Bukal sa Tiaong, Quezon dinarayo dahil nakapagpapagaling daw?

Screenshot mula sa KMJS video
  • Isang bukal sa Barangay Lalig sa Tiaong, Quezon ang dinarayo ng mga tao upang maligo dahil nakapagpapagaling daw iyon ng mga karamdaman
  • Mataas ang level ng sulfur sa tubig sa bukal at iyon daw ang nakapagpapagaling ng mga problema sa balat, ayon sa isang dermatologist
  • Pansamantalang ipinagbawal ang paliligo sa bukal habang isinasailalim ng DENR sa pagsusuri ang tubig na dumadaloy doon

Dumarayo hindi lang ang mga residente kung hindi pati na rin ang mga taga-ibang lugar upang maligo  sa isang bukal sa Barangay Lalig sa Tiaong, Quezon na diumano ay nakapagpapagaling ng mga karamdaman tulad ng rayuma at mga sakit sa balat.

Screenshot mula sa KMJS video

Nadiskubre ng isang pamilya ang bukal noong taong 1980. Maghuhukay lang sana sila upang humanap ng tubig na magagamit na pandilig sa mga pananim, pero biglang may tumagas na tubig na sobrang init sa  hukay. Amoy kalawang ang tubig dahil sa mataas na lebel ng sulfur na kasama nito.

Nalanta raw ang mga punong nababasa ng mainit na tubig kaya nag-isip ang pamilya kung paano mapakikinabangan ang mainit na tubig na bumukal doon na umaabot sa 40 degrees celsius ang init.

Ginawan nila ng daluyan ang tubig na halos isang daang metro ang haba at sa dulo niyon ay gumawa sila ng jacuzzi kung saan puwedeng magbabad ang mga tao.

Kilala na ngayon ang bukal sa tawag na Mainit. Dinarayo ito ng mga tao para paliguan. Libre ang paliligo doon. Marami ang nagpatotoo na nakapagpapagaling ng mga problema sa balat tulad ng eczema, acne at psoriasis, at sa rayuma ang paliligo roon.

Screenshot mula sa KMJS video

Sabi ng isang dermatologist, “Ang sulfuric bath marami talagang therapeutic benefits. Kasi nga, aside from the sulfur itself mayroon pa siyang ibang components. Itong mga components na ito ay nakaka-heal sa mga problema sa skin.”

Isang na-stroke ang naniniwalang nakatulong ang Mainit hot spring upang muli siyang makalakad nang hindi na gumagamit ng saklay.

Upang matiyak kung tunay na ligtas pagpaliguan ang bukal, sinamahan ng team ng Kapuso Mo, Jessica Soho ang isang grupo ng mga eksperto mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Screenshot mula sa KMJS video

Ayon kay Von Juvi Cater, isang geologist mula sa Mines and Geosciences Bureau ng DENR, dapat suriin ang tubig kung iyon ba ay contaminated. Mayroon daw kasing tumutubong mga lumot sa daluyan ng tubig at ang ibig sabihin daw niyon ay may mga organisms sa tubig.

Pansamantalang ipinagbawal ang paliligo sa bukal habang isinasailalim sa pagsusuri ang tubig na dumadaloy doon.

Saan nga ba nanggagaling ang tubig sa bukal sa Tiaong? Alamin sa video ng KMJS:

Loading…