Dating solvent boys at kawatan ng tricycle, traffic enforcers at social workers na sa Maynila

Screenshot mula sa The Capital Report with Mayor Isko Moreno
  • Ilang mga dating pasaway sa lansangan ng Lungsod ng Maynila ang nabigyan ng pagkakataon upang magbago at magkaroon ng dignidad
  • Pitong dating sovent boys ang miyembro na ng MSWD Rescue team at traffic enforcers na ng MTPB
  • Ang isang dating kawatan ng tricycle na pinatawad ng biktima ay kasalukuyang nagte-training para maging isang social worker

Mga dating pasaway sa lansangan, mga lingkod-bayan na ng Lungsod ng Maynila.

Imahe mula sa Manila PIO

Sa kanyang lingguhang pag-uulat ng mga kaganapan sa lungsod, ang The Capital Report, buong pagmamalaking ibinahagi ni Mayor Isko Moreno sa mga Manilenyo ang malaking pagbabago sa buhay ng mga dating pasaway na nagdesisyong magbagong-buhay sa tulong ng lokal na pamahalaan.

Pitong dating solvent boys na dati nang nahuli ng mga social workers at ng pulisya ang bahagi na ngayon ng pamahalaan ng Lungsod ng Maynila bilang mga social workers at traffic enforcers.

Unang iprinisinta ni Yorme sa publiko ang limang “dating tolongges” na sina Richard Morio, Jonathan Arellano, Mico Padilla, and brothers Gilbert Abaygar and JR Abaygar na madalas ireklamo ng mga residentte dahil sa pagiging pasaway sa mga motorista sa kahabaan ng España Boulevard. Sila rin ang dating nanapak sa isang social worker.

Ang lima ay bahagi na ngayon ng Manila Social Welfare and Development Rescue team. Nakatanggap na sila ng tig-P9,000 bilang unang sahod nila.

Screenshot mula sa The Capital Report with Mayor Isko Moreno

Sumunod niyang iprinisinta sina Ralph Acebedo at Leo Bantua na sa panulukan ng Juan Luna Street at Recto Avenue madalas umistambay habang sumisinghot ng nakalalangong kemikal. Pareho na sila ngayong miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) bilang mga traffic enforcers. Nakatakda na rin silang tumanggap ng unang suweldo ngayong Pebrero.

Screenshot mula sa The Capital Report with Mayor Isko Moreno

Una sanang ipakikilala ni Yorme ang isang lalaki na dating nangarnap ng tricycle upang may maipakain sa anak, subalit nakaalis na ito sa Manila City Hall. Napatawad siya ng kanyang biktima at kasalukuyang sumasailalim sa training para maging isang social worker.

“Kailangan talaga na ‘yung batas ay lalagyan mo ng puso. Hindi puwede ‘yung letra-letra lang. Lawakan natin ang ating pag-unawa. Intindihin natin kung bakit nagagawa nila ang mga maling bagay. Huwag natin kunsintihin ang kamalian pero kapag nakita naman nating gusto nilang magbago ay subukan nating bigyan sila ng pagkakataong ibalik ang dignidad nila sa kanilang mga sarili,” wika ni Mayor Isko.

Screenshot mula sa The Capital Report with Mayor Isko Moreno

Pinasalamatan ni Yorme ang mga social workers at MTPB sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga dating pasaway na magbago at magkaroon ng dignidad.

Loading…