Dela Rosa mas pipiliing magpabakuna ng Sinopharm vaccine

Imahe mula sa Senate of the Philippines
  • Mas pabor si Senador Dela Rosa na magpabakuna gamit ang Sinopharm vaccine
  • Handa rin daw siyang gawin ito sa publiko upang maka-impluwensiya sa masa
  • Hindi pa kumukuha ng EUA ang Sinopharm sa FDA at dati nang sinabi ni Galvez na lubhang mahal ang presyo nito

Kung si Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang masusunod, mas pipiliin niya umanong magpabakuna ng Sinopharm vaccine kaysa sa ibang brand.

Sa panayam ng DWIZ kay Dela Rosa, sinabi rin ng senador na handa siyang gawin ito sa publiko.

“Kung nanaisin nila, kung meron man akong impluwensya sa mga kababayan natin, then I’m willing to do it in public para maka-impluwensya sa kanila,” ani Dela Rosa.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Dela Rosa

Basta raw ang gagamiting bakuna ay galing kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez at hindi iyong mga ‘peke’ o patago-tago, na ang tinutukoy ay ang napaulat na pagpapabakuna ng ilang mga negosyante sa Binondo.

“Baka mamaya peke pa ‘yun. Sinong hahabulin ko kapag nadisgrasya tayo diyan? So makisiguro tayo,” ayon pa sa mambabatas.

Nang tanungin kung anong brand ang mas pipiliin niya, pinili ni Dela Rosa ang Sinopharm na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa kumukuha ng emergency use authorization (EUA) sa Food and Drugs Administration (FDA).

“Kung tanungin ako ni Sec. Galvez kung anong brand gusto ko, sabihin ko siguro baka Sinopharm siguro…. Nag-conduct ako ng sariling research, lumabas na ito yung pina-safe na technology na ginamit nila,” paliwanag pa ng senador.

Imahe mula sa Nikkei Asia/CGTN

Ang Sinopharm vaccine ay sinasabing may 79% efficacy subalit dati nang sinabi ni Galvez na lubhang napakamahal ng presyo nito at halos katumbas ng pitong AstraZeneca.

Napaulat din na ito ang ginagamit sa hindi awtorisadong vaccination na isinagawa nang patago ng ilang negosyante; bagay na itinanggi ng MKG Universal Trading Corporation, ang distributor ng nasabing produkto sa bansa.

Iginiit din ng MKG na mura lang ang magiging presyo ng Sinopharm vaccine lalo pa’t ang Sinopharm ay pag-aari ng gobyerno ng China at ang negosasyon sa pagbili ay sa pagitan ng dalawang gobyerno.

Loading…