Delivery ng COVID vaccine sa bansa patuloy na made-delay; Pangulong Duterte naiinip na

Imahe mula sa DW
  • Patuloy na maaantala ang pagdating ng mga bakuna sa bansa
  • Ito ay dahil ‘di pa nagbibigay ng indemnification agreement ang Pfizer sa COVAX
  • Hindi pa rin nabibigyan ng EUA mula sa FDA ang Sinovac

Patuloy na maaantala ang pagdating ng mga bakuna sa Pilipinas dahil sa hinaharap na problema sa mga dokumento partikular na ang ‘indemnification agreement’ mula sa manufacturers.

Sa panig ng Pilipinas, nakapagsumite na ang bansa ng indemnification agreement na hinihingi ng COVAX ng World Health Organization (WHO), subalit ang wala pa ay ang mula sa Pfizer-BioNTech.

Imahe mula sa CNBC

Ang Pfizer vaccine ang ipamamahagi ng COVAX sa ilang bansa sa mundo kabilang na ang Pilipinas. Nakatakdang makatanggap ang bansa ng paunang 117,000 doses ng nasabing bakuna ngayong buwan sana.

“What the Philippines signed is the COVAX indemnification agreement. Unfortunately, we are still waiting for an indemnification agreement coming from the manufacturer, in this case it’s Pfizer-BioNTech,” paliwanag ni WHO representative Rabindra Abeyasinghe.

Ganito rin umano ang sitwasyon ng AstraZeneca vaccine, ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez. Dalawang klase ang indemnification agreement na hinihingi ng COVAX – isang generic na agreement at isang mayroong specific indemnification clause na kailangang lagdaan ng manufacturer at ng gobyerno ng Pilipinas.

Ang indemnification agreement ay kasunduan na magtatanggal ng liabiltity sa manufacturer kung sakali mang mayroong ‘di magandang epekto ang bakuna dahil ito ay for emergency use lamang.

Imahe mula sa DW

Samantala, ang Sinovac vaccine naman, na dapat ay may parating na ring 600,000 doses, ay ‘di na matutuloy ang delivery ngayong darating na Pebrero 23.

Ang problema naman ng Sinovac mula sa China ay dahil hindi pa ito nakakakuha ng emergency use approval (EUA) mula sa Food and Drugs Administration (FDA).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magde-deliver lamang ang China kapag nakakuha na ito ng EUA mula sa Pilipinas.

“I have received information that unless the [emergency use authorization] is delivered today, the delivery on the 23rd may be delayed,” ani Roque nitong Huwebes.

Imahe mula sa PNA

Paliwanag naman ni FDA chief Dr. Eric Domingo, hindi nila puwedeng madaliin ang EUA ng Sinovac dahil sinusuri pa nila ang mga isinumiteng dokumento ng huli. Hindi rin umano sila makapagbibigay ng time frame sa ngayon.

Dahil dito, maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay naiinip na, ayon kay Roque.

“Si Presidente, nagsalita na. Siya po mismo naiinip na,” pahayag ng tagapagsalita ng Palasyo. “Kinakailangang dumating na ang mga bakuna kaya naman siguro dahil nagsalita na ng ganyan ang Presidente, e gagalaw na nang mas mabilis ang lahat.”

Dati nang sinabi ni Galvez sa Senate hearing na maaaring nakarating na sana sa bansa noon pang Pebrero 12 ang Pfizer vaccine kung may sariling indemnification law ang Pilipinas. Ito ang batas na magtitiyak na mabibigyan ng compensation ang sinumang makaranas ng side effects mula sa bakuna.

Loading…