Direktang pagbili ng COVID-19 vaccine ng mga LGU sa manufacturers tinutulan ng mga doktor

Imahe mula sa CNNPH
  • Grupo ng mga doktor tutol sa mga panukala na payagan ang mga LGU na direktang makabilli ng COVID-19 vaccine sa mga manufacturers
  • Ang pagpasa sa mga panukala mula sa House of Representatives at Senate ay pinamamadali ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez dahil ang 80% ng COVID-19 vaccine supply ay nabili na raw ng mga mayayamang bansa
  • Sinabi ng HPAAC na magiging mas mahal ang pagbili ng bakuna kung papayagan ang bawat LGU na direktang makabili nito dahil magiging tingi-tingi ang bilihan

Ipinasa ng House of Representatives sa committee level ang mga panukalang payagang direktang makabili ang mga local government units (LGU) sa mga manufacturers upang diumano ay matiyak na magkakaroon ng COVID-19 vaccine ang lahat ng mga lokal na pamahalaan sa bansa.

Screenshot mula sa PTV video

Target ng House Bill No. 8648 at House Bill No. 8649 na maging mabilis ang pagbili ng mga bakuna. Sa ilalim ng panukala, ang mga LGUs ay maaari lang bumili ng COVID-19 vaccines na awtorisado ng Food and Drug Administration.

Sa Senado, naghain din si Senator Migz Zubiri ng kaparehong panukala – ang Senate Bill No. 2042.

Pinamamadali ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez ang pagpasa ng mga naturang panukala dahil ang 80% daw ng supply ng COVID-19 vaccine sa buong mundo ay nabili na ng mga mayayamang bansa.

Subalit mahigpit na tinutulan ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) ang mga panukala dahil hindi umano makabubuti sa lahat kung iyon ay maipapasa ng Kongreso.

Nagbigay ng ilang kadahilanan ang HPAAC kung bakit tinututulan nito ang panukala.

Screenshot mula sa PTV video
  • Maaaring bumili ang mga LGUs ng kahit anong bakuna kahit na ang napili nila ay hindi naaayon sa rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC). Ang HTAC ang ahensyang naninigurado na sulit ang bibilhin ng pamahalaan
  • Mag-uunahang makabili ang may pera, maimpluwensya, at makapangyarihan. Maaaring mahuli pa ang mga frontliners, matatanda, at may mga ibang sakit – ang mga tunay na kailangang mauna sa bakuna dahil mataas ang peligro sa kanilang buhay. Mas matatagalan din bago natin maabot ang proteksyon ng nakararami – ang herd immunity na kinakailangan para matapos ang pandemya
  • Mas magiging mahal ang bakuna dahil magiging tingi-tingi ang pagbili nito
Imahe mula sa Facebook page ng HPAAC

Loading…