DITO pasado sa unang technical audit; 507.5 Mbps speed para sa 5G, 85.9 Mbps para sa 4G

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Pumasa na sa pinakaunang technical audit ang DITO
  • Pumalo sa 85.9 Mbps ang 4G speed nito, habang nasa 507.5 Mbps naman ang 5G
  • Nakatakda ang commercial rollout ng third telco ngayong Marso

Naipasa ng DITO Telecommunity ni Dennis Uy ang pinakaunang performance audit na isinagawa ng isang pribadong auditor; isang malaking hakbang sa ginagawang paghahanda ng third telco para sa commercial rollout sa susunod na buwan.

Sa assessment na isinagawa ng independent auditor na R.G. Manabat and Co., umabot sa 37.48% ang coverage ng DITO sa buong bansa (37,845,315 households base sa 2015 census na 100,983,124 national population); o katumbas ng 8,860 barangays.

Ito ay mataas nang kaunti sa minimum requirement na 37%.

Imahe mula sa DITO Telecommunity

Ayon din sa resulta ng audit na inilabas ng National Telecommunications Commission (NTC), umabot sa 85.9 Mbps ang minimum na speed ng kanilang 4G network, habang nasa 507.5 Mbps ang 5G; lubhang napakataas sa minimum requirement na 27 Mbps lamang.

Para sa pinakamalapit sa base stations, pumalo sa 102.4 Mbps ang 4G network at 769.1 naman ang 5G. Sa pinakamalayo naman, umabot pa rin sa 64.4 Mbps ang 4G at 316.5 Mbps ang 5G. Sa kalagitnaan, nasa 91.2 Mbps ang 4G habang nasa 437.1 Mbps ang 5G.

Gumamit umano ang independent auditor ng stratified sampling na pumili ng 12 % mula sa 1,602 cellsites ng bagong telco para isagawa ng field testing.

Imahe mula sa Twitter

“DITO’s entry in the market is a welcome development in the telco industry. A healthier competition within the industry fulfills President Duterte’s promise to the Filipino people of better telco service thru cheaper prices and improved internet speed,” ayon sa pahayag ng NTC.

Ipinaalala naman ng NTC na isinagawa ang technical audit habang wala pang subscirbers ang DITO.

Nakatakdang pormal na maglunsad ng commercial roll-out ang DITO ngayong Marso. Sa kasalukuyan, nakapagpatayo na umano sila ng mahigit 1,300 cell towers sa buong bansa; at nasa 300 nito ay operational na.

Loading…