DOH muling dumulog sa NBI para matunton ang UK variant na taga-Cebu

Imahe mula sa PNA
  • Nagpatulong muli sa NBI ang DOH para mahanap ang UK variant na taga-Liloan, Cebu
  • Nagpakita umano ito ng mild na sintomas ng COVID bago tuluyang hindi na matunton
  • Ayon naman sa regional health office, pumunta sa Maynila ang pasyente noong Nobyembre ng nakaraang taon at hindi na bumalik sa Cebu

Muling humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) ang Department of Health (DOH) at sa pagkataong ito ay upang matunton ang pasyenteng may UK variant na residente ng Cebu.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dumulog sila sa NBI para makumpirma kung nakaalis na nga ng Pilipinas ang 35-anyos na pasyenteng taga-Liloan, Cebu.

Imahe mula sa DOH

“We have sought the help already of the National Bureau of Investigation para mas matunton po natin kung talagang wala na sa ating bansa itong individual na ito, and also the manifest from the airlines kung saan nagsabi sila ng specific na paglabas na date of exit nitong tao from Liloan, Cebu,” ani Vergeire nitong Miyerkules.

Ang naturang pasyente ay napaulat na isang returning overseas Filipino (ROF) at nakuhanan ng sample noong Enero 17.

Siya ay isa sa 25 kumpirmadong kaso ng mas nakahahawang UK COVID variant o B.1.1.7. variant sa bansa.

Imahe mula sa Facebook

Subalit ayon naman sa DOH Region 7, umalis sa Cebu ang nasabing pasyente Nobyembre pa noong nakaraang taon upang asikasuhin ang kaniyang mga dokumentong kailangan sa paglabas ng bansa.

Tumira umano ito pansamantala sa Parañaque kung saan siya sumailalim sa swab test bilang requirement sa kaniyang planong pag-abroad. Simula noon ay hindi na ito pa napaulat na bumalik sa probinsiya, ayon pa sa regional health office.

Ayon sa DOH, nagpakita ng mild symptoms ng COVID ang nasabing pasyente bago ito tuluyang hindi na matunton.

Sa kabuuang 25 kaso ng UK COVID variant sa bansa, 22 ang gumaling, 2 ang active cases habang isa naman ang binawian ng buhay.

Loading…