DOH nakapagtala ng 18 panibagong kaso ng UK variant sa bansa

Imahe mula sa NPR
  • Nakapagtala ng 18 panibagong kaso ng UK variant ang DOH
  • 13 rito umano ay mga returning overseas Filipinos (ROFs)
  • Tatlo naman ang mula sa CAR habang wala pang impormasyon hinggil sa nalalabing 2 kaso

Nakapagtala ang Department of Health (DO) ng labingwalong (18) panibagong kaso ng UK COVID variant sa  bansa base sa pinakahuling update ng ahensiya nitong Linggo, Pebrero 21.

Sa 18 kasong ito, 13 umano ay mga Pinoy na bumalik sa Pilipinas mula sa ibang bansa sa pagitan ng Enero 3 at 27. Lahat sila ay nagpositibo sa COVID-19 at ngayon ay gumaling na.

“All of these cases are now tagged as recovered and the DOH is currently investigating compliance to isolation protocols and the contact tracing done for these ROFs,” ayon sa pahayag ng DOH.

Tatlo naman  sa 18 ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR); dalawang 12-anyos na batang lalaki mula sa Bontoc, Mountain Province; at isang 41-anyos na babae mula sa Trinidad, Benguet.

Lahat rin ng tatlong kaso mula sa CAR ay gumaling na. Wala namang nabanggit na impormasyon ang DOH tungkol sa nalalabing dalawang UK variant.

Ang 18 bagong kaso ng mas nakahahawang B117 variant ay mula sa 757 samples na nagpositibo sa COVID at sinuri ng Univertsity of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC) noong Pebrero 18.

Dahil dito umakyat na sa 62, mula sa dating 44, ang bilang ng kaso ng UK variant sa Pilipinas.

Imahe mula sa PNA

Samantala, iniulat din ng DOH, UP-PGC, at ng UP-National Institute of Health (NIH) na may mga additional sample mula sa Region 7 (Central Visayas) na kabilang sa 6th genome sequencing batch na parehong may N501Y at E484K mutations, habang 2 naman mula sa 80 samples ng 7th batch ay mayroon din ng dalawang nabanggit na mutations.

Dahil dito , umakyat na rin sa 34 ang bilang ng kasong parehong may N501Y at E484K mutations sa bansa.  Ang E484K mutation ay natagpuan sa South African variant, habang ang N501Y ay nakikita rin sa UK variant at siyang sinasabing dahilan kung bakit ito mas nakahahawa.

Ayon kay Dr. Mary Jean Loreche, tagapagsalita ng Center for Health Development-Central Visayas, karamihan sa 34 kaso na mayroong mutations of concerns (MOCs) ay nakumpleto na ang 14-day quarantine at nakalabas na. Lahat naman umano sila ay nagpakita lang ng mild na sintomas.

Loading…