DOLE: Navotas ice plant posibleng pagmultahin ng P100K dahil sa ammonia leak

Screenshot mula sa TV Patrol video
  • Nahaharap sa P100,000 na multa ang ice plant sa Navotas City, ayon sa DOLE
  • Tiniyak din ng DOLE na makatatanggap ng kompensasyon mula sa ECC ang mga empleyado ng planta
  • Pansamantalang ipinasara ng lungsod ang ice plant dahil sa insidente

Nahaharap ngayon sa multa na nagkakahalaga ng P100,000 ang ice plant sa Navotas City kung saan nagmula ang chemical leak na nagresulta sa pagkakasakit ng ilang residente at pagkasawi ng dalawang trabahador.

Ayon sa isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE), aalamin nila kung may nagawang paglabag ang TP Marcelo Ice Plant na pag-aari ng pamilya ni Mayor Toby Tiangco.

Screenshot mula sa Teleradyo video

“Kung sakaling lumabas na may paglabag sa standard natin sa occupational safety and health standard, nag-i-impose po ang DOLE ng administrative fine for noncompliance to standard that will result to grave injury or death,” paliwanag ni Engr. Noel Binag, executive director ng DOLE occupational safety and health center sa panayam ng Teleradyo.

Pinaalala rin ni Binag sa iba pang mga kumpanya na kailangan ay mayroon silang occupational health and safety training para mayroong interventions o control sa oras ng emergency, may ‘certified first-aider,’ at mga occupational health facilities at gamot.

Tiniyak din ng opisyal na patuloy na makatatanggap ng kompensasyon ang mga trabahador na naapektuhan ng pagsasara ng planta. Maaari silang mag-file ng request for financial assistance sa  Employees’ Compensation Commission o ECC.

Screenshot mula sa Teleradyo video

Mahigit sa 100 empleyado ng planta at residente na malapit sa lugar ang isinugod sa pagamutan matapos kumalat ang tumagas na kemikal Miyerkules nang hapon noong nakaraang linggo; dalawa sa mga ito, na kapwa trabahador, ay binawian din ng buhay.

Samantala, humingi na ng paumanhin si Mayor Tiangco dahil sa insidente at tiniyak ng alkalde na papanagutin ang kumpanya kahit pa ito ay pag-aari mismo ng kaniyang pamilya.

“Kahit po ayan ay kompanya ng nanay ko, kailangan po silang sumunod sa lahat ng regulasyon at sisiguraduhin po nating susunod sila,” ayon sa naunang pahayag ni Tiangco.

Loading…