Drive-thru RT-PCR saliva testing ng Red Cross sa Megamall at MOA bukas na

Imahe mula sa PRC-Facebook
  • Bukas na sa publiko ang drive-thru saliva testing ng Philippine Red Cross
  • Ito ay matatagpuan sa SM Megamall sa Mandaluyong at SM MOA sa Pasay
  • Higit na mura, mabilis at maalwan ito para sa mga tao kumpara sa swab test

Binuksan na sa publiko nitong Martes, Pebrero 2, ang dalawang drive-thru collection sites para sa RT-PCR saliva testing na inilunsad ng Philippine Red Cross (PRC).

Ang isa ay matatagpuan sa SM Megamall (Mega A bus bay) sa Mandaluyong City, habang ang isa naman ay sa SM Mall of Asia (5 Ecom Open Parking) sa Pasay City.

Imahe mula sa PRC-Facebook

Maaari nang bisitahin mula 9 am hanggang 5 pm ang dalawang collection sites sa mga nais magpa-COVID test at ito ay higit na mas mura kumpara sa swab test.

“Kahit dumating na ang bakuna, importante pa rin ang pagte-test para labanan ang COVID-19. kaya gumagawa ang PRC ng paraan upang mapadali at mapabilis ang pagte-test sa ating mga kababayan. We are heading towards nationwide Saliva RT-PCR testing to help industries and schools open in this new normal,” ani PRC chairperson Senador Richard Gordon.

Para sa mga interesado, kailangan munang mag-set ng appointment sa book.redcross1158.com upang makuha ang retrieval code dahil hihingin ito sa collection site. Kailangan ring magdala ng valid government ID para sa scanning at system upload.

Dapat ay hindi muna kakain, iinom, magmumumog o maninigarilyo ang sinumang magpapatest mga 30 minuto bago ang pagkuha ng laway.

Imahe mula sa PRC-Facebook

Ang resulta ng test ay ipadadala ng Red Cross sa pamamagitan ng email.

Ayon kay PRC biomolecular laboratories chief at dating health secretary Paulyn Ubial, mas convenient, mura at mabilis ang RT-PCR saliva test kumpara sa ibang paraan ng testing.

“Ang maganda rito hindi na lalabas sa sasakyan ‘yung mga tinetesting, inaabot na lang sa kanila ‘yung tube and dun sila mag co-collect sa loob ng sasakyan, ilalagay nila ‘yung barcode at iaabot sa sample collector, so mabilis lang, 5 to 10 minutes,” paliwanag ni Ubial.

Ang RT-PCR saliva test ay nagkakahalaga lamang ng P2,000 kumpara sa swab testing na ang pinakamababang presyo ay nasa P3,400.

Loading…