Drive-thru saliva RT-PCR testing para sa COVID-19 gagawin sa mga shopping malls

Screenshot mula sa PRC video
  • Magsasagawa ang PRC ng drive-thru saliva RT-PCT testing ng COVID-19 sa mga shopping malls
  • Posibleng sa mga parking lot ng mga shopping malls gagawin ang drive-thru saliva testing upang hindi na kailangan pang bumaba ng sasakyan ang nais magpa-test
  • Hindi maaaring kumain, uminom ng tubig o kahit anong inumin, manigarilyo, magsepilyo at magmumog 30 minutes bago ang testing

Sinimulan na ng Philippine Red Cross (PRC) ang pagsasagawa ng saliva RT-PCR testing para sa COVID-19 noong nakaraang linggo. Maaari nang magpa-test sa molecular laboratory ng PRC sa Mandaluyong City at sa Port Area.

Screenshot mula sa PRC video

Sa isang talakayan, inanunsyo ni Senator Richard Gordon, ang chairman ng PRC, na magsasagawa rin sila ng saliva testing sa mga shopping malls sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila upang mas marami ang ma-testing.

Aniya, sa Martes, ika-2 ng Pebrero ay magkakaroon na ng pirmahan ng kontrata sa pagitan ng PRC at mga malalaking shopping malls para sa gagawing saliva RT-PCR test.

Ayon kay Dr. Paulyn Ubial, ang head ng Molecular Laboratory ng PRC, posibleng sa mga parking lot ng mga shopping malls gagawin ang drive-thru saliva testing. Hindi na raw kailangan pang bumaba ng sasakyan ang nais magpa-test.

“It’s like a drive-thru. You’re just inside the car, they will give you a sample kit, that’s where you spit, and you’re going to give it to the sample collector. You don’t need to get out of the car,” ani Dr. Ubial.

Screenshot mula sa PRC video

Ang saliva test at nagkakahalaga ng P2,000, subalit kapag dumami na ang bilang ng mga magpapa-test ay maaaring bumaba ang presyo nito.

Ikinalulungkot ni Sen. Gordon na sa ngayon ay hindi pa kasama sa PhilHealth benefits package ang saliva testing kaya sa sariling bulsa ng mga nais magpa-test manggagaling ang pambayad.

Hindi tulad ng conventional swab test, sa saliva test ay hindi na susundutin ang ilong at bibig ng magpapa-test. Kailangan lang nitong dumura sa isang maliit na bote habang binabantayan ng PRC personnel.

Imahe mula sa PRC

May paalala ang PRC bago magpa-saliva test. Hindi maaaring kumain, uminom ng tubig o kahit anong inumin,  manigarilyo, magsepilyo at magmumog 30 minutes bago ang testing.

Loading…