Estrella-Pantaleon Bridge malapit nang matapos; magbubukas ngayong taon – DPWH

Imahe mula sa DPWH-Facebook
  • Halos nasa 80 porsiyentong kumpleto na ang Estrella-Pantaleon Bridge, ayon sa DPWH
  • Nakatakdang magbukas ito ngayong taon makaraan ang mahigit dalawang taong pagsasaayos
  • Higit na lalaki ang kapasidad ng tulay at inaasahang magpapaluwag sa trapiko sa EDSA

Malapit nang matapos ang ginagawang Estrella-Pantaleon Bridge na nakatakdang magbukas sa mga motorista ngayong taon.

Sa pinakahuling update ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sinabi ng ahensiya na kumpleto na ang halos 80 porsiyentong bahagi ng tulay na isinara noong 2019 upang bigyang-daan ang pagpapalawak nito.

Imahe mula sa DPWH-Facebook

Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, inaasahang ang pagbubukas ng two-way, four lane bridge ay makatutulong upang lumuwag ang daloy ng sasakyan sa pagitan ng Mandaluyong at Makati City.

“Construction of new Estrella-Pantaleon Bridge is now in its 78.5 percent completion and once fully completed will be able to accommodate around 50,000 vehicles per day,” wika ng kalihim.

Imahe mula sa DPWH-Facebook

Ang Estrella-Pantaleon Bridge, na kilala rin sa tawag na Rockwell Bridge, ay tumatawid sa Pasig River at mag-uugnay sa Estrella Street ng Makati at Barangka Drive ng Mandaluyong. Ito ay bahagi ng Metro Manila Logistics Improvement Program na ang layon ay maibsan ang trapiko sa EDSA.

Ayon kay DPWH Undersecretary for Unified Project Management Office (UPMO) Operations Emil K. Sadain, kabilang sa ginawa sa nasabing tulay ay ang pagpalit sa dating steel truss bridge na ginawang prestressed concrete regid frame na mayroong 4-lane concrete deck slab at may habang 506.46 lineal meters.

Ang naturang proyekto ay isa sa dalawang grant bridges mula sa China. Ang isa pang tulay ay ang Binondo-Intramuros Bridge Project na nag-uugnay naman sa Intramuros at Binondo district sa Maynila.

Imahe mula sa DPWH

“The construction of a new Estrella-Pantaleon Bridge as well as the Binondo-Intramuros Bridge is being implemented by the DPWH Unified Project Management Office – Roads Management Cluster 1 under the leadership of Project Director Virgilio Castillo,” ayon sa DPWH

Ang Estrella-Pantaleon Bridge ay isinara sa publiko noong Enero 2019 at dating may kapasidad lamang na 20,000 motorista kada araw.

Loading…