Facebook @17: Mga netizens nagbahagi ng kanilang mga kuwento kaugnay nito

  • 17 taon na pala ang Facebook
  • Si Mark Zuckerberg ang founder nito
  • Lumabas ito sa internet noong Pebrero 4, 2004

Kung may pinakasikat at pinakagamit na social media platform ngayon, iyan ay walang iba kundi ang “Facebook” na inilunsad ni Mark Zuckerberg bilang school project.

Nitong Pebrero 4, 2021, ipinagdiwang ang “17 taong kaarawan” ng Facebook sa world wide web o internet. 19 na taong gulang lamang noon si Zuckerberg nang ilunsad niya ang naturang social media platform noong Pebrero 4, 2004, para lamang sana sa mga mag-aaral ng Harvard University, at sabi nga, the rest is history.

Public Domain Image

Kaya naman, marami sa mga Pilipino ang nagbahagi ng kanilang mga kuwento nang una silang magkaroon ng Facebook account, at kung paano ito naging daan upang matagpuan nila ang kanilang “The One.” Nagdulot tuloy ito ng “nostalgia” o pananariwa sa nakaraan.

“Year 2010. That’s when my aunts, cousins, nieces, nephews, even my own children turned to become just a friend. Nakakatuwa lang!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Way back 2013 and napaka-jejemon ko pa noon hehehe,  auto-add friend lahat ng nasa list tapos kung sino-sino ka-chat eh hindi ko naman kilala, minsan mga classmate o kakilala ko rin pero madalas talaga mga foreigners, especially mga Arabo. Mapapa-bring back memories ka na lang.”

“Happy birthday Facebook! Thank you kasi dahil sa ‘yo nalilibang ang mga tao, may mangilan-ngilan mang ginagamit ka sa masamang paraan, mas marami pa rin naman kaming natutulungan mong maglibang, makausap ang malalayong mahal o kaanak, makahanap ng mga bagong kaibigan at matuto ng mga bagay-bagay,” saad naman ng isa.

Public Domain Image

Wika naman ng isa, “Para sa akin, malaking bagay na naimbento ang social media, kasi nagawa nitong maipaglapit ang mga tao saan mang sulok ng daigdig. Saka lumiit ang mundo, hindi man literal. Pero syempre may mga pros and cons din naman. Nasa tao na lamang ang disiplina kung paano niya gagamitin sa tama ang social media niya.”

“Dahil sa Facebook, nagkakilala kami ng jowa ko. Salamat Facebook!” pasasalamat naman ng isa.

Ayon sa latest data nitong Oktubre 2020, tinatayang umabot na sa 2.74 billion ang monthly active users nito.  Bago ito, ang kilalang social media platform ay Friendster subalit hindi ito nagtagal sa pagpasok nga ng Facebook.

Samantala, noong Nobyembre 2020 ay ipinagdiwang ni Zuckerberg ang kanilang 17th anniversary ng pagkakakilala ng misis na si Priscilla Chan.

Public Domain Image

Ikaw, anong kuwentong Facebook mo?

Loading…