Forced evacuation sa Taal Volcano Island isinagawa dahil sa muling pag-aalburuto ng bulkan

Imahe mula sa PCG
  • Ipinatupad sa Taal Volcano Island ang forced evacuation dahil sa mga sunud-sunod na pagyanig
  • Nasa alert level 1 ang bulkan at kung sakaling tumaas ang alert level ay palalawakin ang sakop na lugar ng ginagawang forced evacuation
  • Maraming netizens ang nanawagan ng panalangin para sa kaligtasan ng mga residente sa paligid ng Taal
  • Ang mga animal rights advocates naman ay nanawagan na huwag kalimutan na ilikas ang mga alagang hayop

Puwersahang paglikas sa mga tao sa Taal Volcano Island sa Batangas isinagawa sanhi ng nakaambang panganib dahil sa muling pag-aalburuto ng bulkan kung saan maraming pagyanig na ang naitala na tumatagal umano ng mahigit 5 minuto.

Imahe mula sa PCG

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Agoncillo sa Batangas, mahigpit na ipinagbabawal ang paglapit o a ang pananatili sa mismong pulo.

“Puwersahan pong pinalilikas ang mga taong nasa pulo at mahigpit pa rin pong ipinagbabawal sa ating mga kababayan ang paglapit at manatili sa mismong isla dahil sa nakaambang panganib,” pahayag ng Agoncillo MDRRMO sa social media page nito.

Ipinahayag ni Alex Masiglat, ang tagapagsalita ng Office of Civil Defense-Calabarzon, ang puwersahang pinaaalis ng Philippine Coast Gurad sa pulo, batay na rin sa utos ng Batangas Provincial government bilang precautionary measure, ay ang mga taong nagtutungo roon upang maghanapbuhay gaya ng pangingisda.

“Wala kasi talagang dapat na tao doon.  It was declared a no man’s land. Now, because of the recent activity, kanina nagsimula ang pagpapaalis. Ang mga pinapaalis po ay hindi doon nakatira, mga pumupunta lang po doon for livelihood gaya ng pangingisda sa lawa,” aniya noong Martes, ika-17 ng Pebrero.

Imahe mula sa PCG

Nilinaw niya na ang forced evacuation ay doon lang mismo sa pulo at hindi kasama ang mga lakeside communities.

Sakaling tumaas ang alert level (sa ngayon ay nasa Alert Level 1 ito) ay palalawakin ang mga lugar na palilikasin.

“Kapag tumaas pa ang alert level, mas lalawak ang areas na ipapa-evacuate. But for now, it’s just the volcano island or TVI. Ibinabalik lang ‘yung mga tao na nandoon papunta sa mainland,” paliwanag ni Masiglat.

Imahe mula sa PCG

Samantala, maraming netizens ang nanawagan ng panalangin para sa kaligtasan ng mga residente sa paligid ng Taal. Ang mga animal rights advocates naman ay nanawagan na huwag kalimutan na ilikas ang mga alagang hayop.

Loading…