Gibo Teodoro may pahiwatig na muling sasabak sa 2022 national election

Image mula sa Green Team
  • Tila may pahiwatig na magbabalik-pulitika si Gilbert ‘Gibo’ Teodoro Jr. sa 2022
  • Base ito sa ilang post ng kaniyang Facebook page nitong mga nagdaang araw
  • Marami sa kaniyang taga-suporta ng umaasa sa muling pagsabak ni Gibo sa halalan

Kung pagbabasehan ang social media page ni dating Defense secretary at 2010 presidential candidate Gilbert ‘Gibo’ Teodoro Jr., mistulang may plano itong bumalik sa larangan ng pulitika makaraan ang mahigit sampung taon.

Sa kaniyang Facebook page kamakailan, nagpalit ng cover page ang dating kongresista ng Tarlac kung saan may nakalagay na green check at nakasulat na ‘2022’.

Imahe mula sa Facebook

Nag-share din ang page ng isang larawan na may nakalagay na “Green Heart, Young Heart, Fresh Heart” at “Beating, Pulsating, Echoing” saka “Hail 2022” sa ibaba.

Makikita rin sa timeline ng page ang ilang news article tungkol sa mga sinabi dati nina Pangulong Rodrigo Duterte at dating Senador Miriam Defensor-Santiago sa pagkakakilala nila kay Teodoro.

Bagama’t wala pang pormal na anunsiyo ang kampo ni Gibo, marami ang humuhula na ito ay pahiwatig ng kaniyang posibleng pagtakbong muli sa national election sa 2022. Marami rin sa kaniyang mga supporters ang umaasa na matutuloy nga ang planong ito ni Teodoro.

Si Gibo, na dating stalwart ng Nationalist People’s Coalition (NPC), ang partido ng kaniyang tiyuhing si Danding Cojuangco, ay tumakbo sa pagkapangulo noong 2010 sa ilalim ng Lakas-Kampi-CMD subalit natalo sa kaniyang pinsang si Noynoy Aquino.

Imahe mula sa GMA News

Bukod sa pagsisilbi bilang kongresista ng unang distrito ng Tarlac noong 1998 hanggang 2007, naging kalihim din siya ng Defense department sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Nang maupo bilang presidente si Duterte, muli niyang inalok si Teodoro para bumalik sa Defense subalit tumanggi ang huli at piniling magtrabaho sa pribadong sector.

Ang 56-anyos na si Teodoro ay nagtapos ng Law sa University of the Philippines at nag-top 1 sa 1989 Bar exam na may rating na 86.18%. Nakakuha rin siya ng Master of Law sa Harvard University at pumasa sa New York State Bar.

Loading…