Headwriter ng Voltes V: Legacy na-offend sa comic strip na Pugad Baboy ni Pol Medina, Jr.

Screenshot mula sa Voltes V: Legacy trailer
  • Tinawag ni Suzette Doctolero na offensive ang comic strip ng Pugad Baboy ni Pol Medina, Jr. tungkol sa Voltes V: Legacy
  • Tila minamaliit daw ng kartunista ang mga soap opera at drama
  • Nauna nang ipinaliwanag ni Doctolero sa mga kritiko na aprubado ng Japanese producers ang script ng Voltes V: Legacy

Tinawag ni Suzette Doctolero, head ng creative team ng Voltes V: Legacy, na offensive ang comic strip na Pugad Baboy ni Pol Medina tungkol sa live adaptation ng Japanese anime na Voltes V.

Imahe mula sa Facebook page ng Voltes V: Legacy

Sa naturang comic strip ay makikitang nag-uusap ang asong si Polgas at ang amo niyang si Mang Dagul kasama ang asawa nitong si Debbie.

“Si Suzette Doctolero pala ang head writer ng Voltes V Legacy,” linya ng asong si Polgas.

“Naku. Baka naman sa halip na lazer sword e magsampalan at magsabunutan na lang sila,” reaksyon naman ni Mang Dagul sa sinabi ng aso niya.

“Kayo talaga. Hindi pa nga palabas e hinuhusgahan n’yo na,” sabad naman ni Debbie.

Pakiramdam ni Suzette Doctolero ay minamaliit ni Pol Medina, Jr. ang mga soap opera at mga manunulat ng mga ito. Mababa raw yata ang tingin ng kartunista sa mga soap opera at drama writer.

“Ayos sa sampalan at sabunutan, dude ah (although may episode sa anime na nanapak talaga si VV haha) pero wala pa nga o, huwag muna judge nga.  Sobrang baba naman yata ng tingin ni Pol sa soap opera at sa drama writer para i-reduced ito sa “sampalan at sabunutan,” post niya sa Facebook.

Screenshot ng Pugad Baboy comic strip

Offensive daw na ang tingin sa mga soap opera at drama ay hanggang doon lang sa sampalan at sabunutan.

May bwelta rin naman si Doctolero sa kartunista.

“Pero tignan mo, hanggang ngayon buhay ang soap habang sisinghap-singhap na ang cartoons ni Pol (joke! Alangan namang ikaw lang pwedeng mag-joke hehe). Kailan din kaya huling nanood ng soap itong Mamang ito at nasa sampalan at sabunutan mode pa rin?” sabi pa ng GMA head writer.

Isa pang kartunista, si Kevin Eric Raymundo, ang napagbalingan din ni Doctolero nang ipagtanggol nito si Pol Medina, Jr. at gumawa rin ng sarili niyang satirical comic strip tungkol sa Voltes V: Legacy.

Screenshot ng comic strip ni Kevin Raymundo

Nauna nang ipinaliwanag noon ni Doctolero sa mga kritiko na ang script para sa Voltes V: Legacy ay aprubado ng mga Japanese producers.  Maging ang mga karakter na idinagdag, kasama na rin ang pinalawig na Boazanian language ay aprubado rin daw ng Japan.

Aniya, walang ipalalabas na hindi inaprubahan.

Loading…