Hindi patas – P1,500 multa sa celebrities; PISTON member ipiniit at pinagpiyansa ng P10k sa parehong paglabag

Imahe mula sa Facebook
  • Hindi umano patas ang pagpapatupad ng batas sa mga mamamayan, ayon sa grupong PISTON
  • Ang pahayag ng grupo ay kaugnay sa P1,500 na multa kay Tim Yap at KC Concepcion na lumabag sa health protocols matapos mag-party sa Baguio City
  • Noong June 2020, dinampot at ipiniit ang 6 na PISTON members dahil sa paglabag sa health protocols nang mag-protesta sa kalsada para humingi ng ayuda sa pamahalaan
  • Nagpiyansa ng P10,000 ang senior citizen na jeepney driver na si Elmer Cordero bago pinalaya

Kinondena ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang maliit na multang ipinataw sa mga celebrities na lumabag sa mga health protocols sa Baguio City. Ipinakikita umano nito na hindi patas ang pagpapatupad ng batas sa mga mamamayan.

Imahe mula sa Instagram account ni Tim Yap

Ang pahayag ng PISTON ay kasunod ng napaulat na multang ipinataw ng Baguio City government sa mga celebrities na sina Tim Yap, KC Concepcion at iba pa dahil sa health protocol violations na naganap sa birthday party ni Yap.

Tig-P1,500 ang multa sa dalawang celebrities dahil sa hindi pagsusuot ng face mask at hindi pagsunod sa physical distancing ordinance.

Dahil sa maliit na multa sa mga celebrities ay nanariwa sa PISTON ang nangyari sa anim nitong miyembro noong buwan ng Hunyo noong nakaraang taon, partikular na sa senior citizen na jeepney driver na si Elmer Cordero na napiit ng pitong araw at pinagpiyansa ng P10,000 para makalaya.

Ang tinaguriang PISTON 6 ay dinampot ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa social distancing at mass gathering ban nang magsagawa sila noon ng protesta para humingi ng ayuda sa gobyerno at pahintulutang makabiyahe.

Imahe mula sa PISTON

“Dapat tingnan ng gobyerno ‘yung kalagayan ng mga drayber, hinuli sila ng June 2 at dinetain ng pitong araw. Pero itong mga kilalang tao ay hindi man lang na-detain at mas mababa pa ‘yung penalty. Ibig sabihin ‘yung batas ay hindi pantay ‘yung trato sa mga mamamayan,” sabi ni PISTON President Mody Floranda.

Ayon naman kay Ariel Inton, presidente ng Commuters Safety and Protection, kung hindi pa kumalat sa social media ang balita tungkol sa birthday party ni Tim Yap ay hindi mamumultahan ang mga dumalo.

Imahe mula sa Baguio City PIO

“Kinulong muna. Na-detain siya at hindi inilabas hanggang ‘di nakakapiyansa sa bail recommended ng prosecutor ng Caloocan. Si Tim Yap hindi. Matapos magpakasarap ay minultahan. Kung hindi na-social media at napabalita eh wala. Walang mangyayari,” pakli ni Inton.

Nagbitiw bilang contact tracing czar ng bansa si Baguio City Mayor Benjamin Magalong matapos mabatikos dahil sa birthday party ni Tim Yap.

Screenshot mula sa video ng Baguio City PIO

BASAHIN: KC Concepcion, Tim Yap pinagmulta ng tig-P1,500 dahil sa ‘di pagsusuot ng face mask

Loading…