Palasyo hinimok ang mga Pinoy na ipadala ang kanilang saloobin sa VFA sa pamamagitan ng email o tawag

Imahe mula sa mag kuha ni Sgt. 1st Class John Etheridge, US Army
  • Maaaring maglabas ng kanilang saloobin at opinyon ang mga Pilipino hinggil sa VFA
  • Puwede umano itong ipadala sa pamamagitan ng email o tawag sa telepono
  • Pinag-aaralan daw kasi ngayon ng Pangulo ang kaniyang magiging desisyon sa VFA

Nais marinig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang damdamin at opinyon ng mga Pilipino hinggil sa usapin ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Kailangan daw kasi ito ng Pangulo bago siya magdesisyon tungkol sa kontrobersiyal na kasunduan na kailan lamang ay sinabi niyang kailangang magbayad ang Amerika kung nais nitong ipagpatuloy ang pagpapatupad sa VFA.

Screenshot mula sa RTVM video

“Sinabi niya na nais niyang marinig ang opinyon ng mga Pilipino bago siya magdesisyon kung ano ang kaniyang aksyong gagawin tungkol sa usapin ng Visiting Forces Agreement,” bahagi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kaniyang press briefing nitong Huwebes.

Binigyang-diin umano ng presidente na bagama’t kinikilala niyang may benepisyo rin ang bansa mula sa VFA, maaaring mahal naman ang maging kabayaran nito dahil sa presensiya ng mga Amerikano dito sa ating bayan.

Kung sakali raw na magkaroon ng sigalot sa pagitan ng China at Amerika, pinangangambahan ni Pangulong Duterte na baka mauna pang lusubin ang Pilipinas.

“Kaya pinag-aaralan niya nang mabuti kung ano’ng magiging desisyon niya sa Visiting Forces Agreement,” dagdag pa ni Roque.

Balikatan 2013| Imahe mula sa Wikipedia

Dahil dito, maaari umanong magpadala ang sinumang Pilipino ng kanilang saloobin tungkol sa VFA sa pamamagitan ng email o tawag sa telepono.

“Kung nais ninyong marinig ang inyong boses tungkol dito, huwag po kayong mag-atubili, kayo po ay magpadala ng e-mail o mensahe o kung anuman doon sa mga linya ng ating mga ahensiya sa gobyerno para makarating po kay Presidente,” ani Roque.

Kinumpirma rin ito ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin sa kaniyang Twitter.

Anang kalihim, bilang isang ‘populist’ president, may punto ang Pangulo sa kaniyang paghingi ng public opinion mula sa karaniwang Pilipino hinggil sa VFA.

“Not the sense of self-important people but common folk who, however, must at least take the trouble to call 8888 & not just answer surveys,” ayon sa tweet ni Locsin.

Loading…