Hunyango na nadiskubre sa Madagascar, posibleng ang pinakamaliit na reptile sa buong mundo

Imahe mula sa Staatliche Naturwissenschaftliche Sammlungen Bayerns
  • Maliit na species ng hunyango nadiskubre sa rainforest ng Madagascar
  • Ang haba ng katawan ng lalaking nano-chameleon ay 0.53 inch samantalang mas mahaba ng kaunti ang katawan ng babae na 0.83 inch
  • Posibleng ito na ang pinakamaliit na reptile sa buong planeta na sa liit ay kasya ito sa dulo ng daliri ng tao

Nadiskubre sa rainforest ng western Madagascar ang posibleng pinakamaliit na reptile sa buong planeta. Isa itong bagong species ng hunyango o chameleon na sa sobrang liit ay kasya ito sa dulo ng daliri ng tao. Tinawag itong Brookesia Nana o nano-chameleon.

Imahe mula sa Staatliche Naturwissenschaftliche Sammlungen Bayerns

Ang sukat ng katawan ng male Brookesia Nana ay 13.7 milimeters o mahigit lang ng kaunti sa kalahating pulgada (0.53 inch). Sa kabuuan, mula nguso hanggang buntot, may haba itong 22 milimeters (0.83 inch). Mas mahaba ng kaunti ang female nano-chameleon na may habang 29 milimeters.

Ayon kay Frank Glaw, isang reptile expert mula sa sa Staatliche Naturwissenschaftliche Sammlungen Bayerns (SNSB) o Bavarian State Collection of Zoology sa Munich sa Germany, isang local guide sa Madagascar ang nakadiskubre ng maliit na hunyango habang nasa isang expedition noong 2012.

“You really have to get down on your knees to find them. They are obviously camouflaged and they move very slowly,” aniya.

Kapansin-pansin umano ang malaking reproduction organ ng lalaking bulinggit na hunyago. Ang haba raw niyon ay halos 1/5 o 20 percent ng buo nitong katawan. Ang pagiging “well endowed” umano ng lalaking hunyango ay upang maging tagumpay ang “mating” nito sa mas malaking babae.

Imahe mula sa Staatliche Naturwissenschaftliche Sammlungen Bayerns

May dalawang eggs ang babaeng hunyangong nadiskubre kaya sigurado si Frank Glaw na adult ito.

Sabi niya, upang makumpirma na ito na ang pinakamaliit na reptile sa buong mundo, kailangan pa nilang humanap ng iba pang mga hunyango sa pamilyang Brookesia. Maaari umanong tumagal pa iyon ng maraming taon.

 

Loading…