Ilalim ng Alabang viaduct na dating marumi, isa nang kaaya-ayang parke

Imahe mula sa Muntinlupa PIO
  • Ang dating maruming espasyo sa ilalim ng Alabang Viaduct ay isa nang magandang parke
  • Napapalamutian ito ng mga halaman sa paligid at mga bangko na mapagpapahingahan ng mga residenteng bibisita roon
  • Ang parke ay Phase 1 ng development ng Alabang Viaduct sa Muntinlupa City

Ang dating marumi at mapanghing espasyo sa ilalim ng Alabang viaduct na isang eyesore para sa mga dumaraang motorista patungo sa South Luzon Expressway at para sa mga residente sa lugar ay isa na ngayong kaaya-ayang public open space.

Imahe mula sa Muntinlupa PIO

Noong Miyerkules, ika-24 ng Pebrero, ay pinangunahan ni Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi ang pagpapasinaya sa Phase 1 ng development ng Alabang Viaduct, na isang inisyatibo ng national government sa pamamagitan ng “Green, Green, Green” Program nito.

Pinasalamatan ng alkalde ang Department of Budget and Management (DBM) na napili nito ang Muntinlupa City bilang isa sa mga recipients ng “Green Fund” na nagkakahalaga ng P17.29 million. Ang pagpapaganda ng lugar ay isa umanong welcome development sa mga ginagawang hakbang ng siyudad para sa pagkakaroon ng maayos na mga green space at parke.

Ang “Green, Green, Green” program ay  inilunsad ng DBM sa layuning gawing “livable” at “sustainable” ang 145 cities sa bansa sa pamamagitan ng  pagkakaroon ng mga public open spaces.

Imahe mula sa Muntinlupa PIO

Tampok bilang centerpiece sa bagong bihis na open space ang isang sculpture ng isang tila water lily na namumukadkad. Sumisimbolo raw ito sa mga katangian ng mga residente ng Muntinlupa na maparaan, malakas at matiyaga.

Imahe mula sa Muntinlupa PIO

Naglagay din ng maraming mga bench sa parke na mapagpapahingahan ng mga bibisita roon. Sa paligid naman ay may iba’t ibang mga halaman. Ang lugar ay naiilawan ng mga street lamps.

Umaasa si Muntinlupa City Architect Don Causapin, ang designer naturang urban space, na magiging masaya ang mga residenteng bibisita sa lugar.

Imahe mula sa Muntinlupa PIO

Loading…