Ilang bahagi ng dagat sa Ozamiz City nagkulay pula, mga residente nababahala

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Ilang bahagi ng tubig-dagat sa Ozamiz City, nagkulay pula
  • Ikinababahala ng mga residente ang pag-iiba ng kulay ng dagat at masangsang na amoy niyon
  • Kumuha na ng sample ng tubig ang BFAR upang masuri sa laboratoryo

Nababahala ang mga residente sa apat na barangay sa Ozamiz City sa lalawigan ng Misami Occidental matapos magkulay pula ang ilang bahagi ng dagat simula noong Linggo, ika21 ng Pebrero. Iyon daw ang unang pagkakataon na nangyari ang ganoon sa kanilang lugar.

Screenshot mula sa GMA video

Bukod sa pagiging pula ng kulay ng tubig-dagat ay masangsang din umano ang amoy niyon.

Naging palaisipan sa kanila ang pangyayari kaya iba’t ibang teorya ang nabuo kung ano ang sanhi ng pag-iiba ng kulay ng dagat.

Ayon sa ilang mapamahiin, posibleng signos iyon na may masamang kapalarang darating. Mayroon namang inihalintulad iyon sa pangyayaring nakasulat sa Bibliya. May ilan naman na nag-akalang mga hipon ang nagsilutangan sa dagat, subalit nang magtungo roon ay wala naman silang nakitang mga hipon.

Kumuha na ng sample ng kulay pulang tubig-dagat ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang masuri iyon. Pinayuhan ng ahensya ang mga tao na huwag munang kakain ng anumang lamang dagat na mahuhuli doon at ipinagbabawal din muna ang paliligo sa mapulang dagat.

Pinawi naman ng BFAR ang pangamba ng mga residente sa mga apektadong barangay dahil natural phenomenon daw ang pagkukulay pula ng dagat.

Screenshot mula sa GMA video

Ipinaliwanag ni Jessie Chris Apales, ang tagapagsalita ng BFAR sa Misamis Occidental, na bahagi lamang iyon ng pamumukadkad ng mga tinatawag na cyanobacteria at red algal blooms na mas kilala sa tawag na “red tide.”

Sa tuwing namumukadkad ang algae o lumot ay nag-iiba ang kulay ng tubig-dagat dahil sa rami ng pigmented algae cells. Karaniwang makikitang kulay ng tubig kapag may algal bloom ay kulay berde, pula, brown o dilaw.

Screenshot mula sa GMA video

Pinag-aaralan pa ng BFAR kung gaaano karami ang biotoxin sa tubig-dagat na posibleng makaapekto sa kalusugan ng mga residente roon.

Source :

YouTube, ABS-CBN

Loading…