Ilang pork vendor hindi sasali sa pork holiday pero hindi susundin ang price ceiling

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Hindi lalahok sa pork holiday ang ilang pork vendors, subalit magtataas sila ng presyo ng paninda
  • Tumaas na raw ang bili nila ng baboy sa wholesalers kaya hindi na nila kayang sundin ang price ceiling na ipinaiiral ng pamahalaan
  • Pag-uusapan naman sa DA kung itataas ang price ceiling o irerekomenda sa Pangulo na tuluyan na itong alisin

Hindi makikilahok sa pork holiday ang ilang mga nagtitinda ng karne ng baboy, pero kailangan umano nilang suwayin ang price ceiling na ipinatutupad ng pamahalaan upang kumita at hindi malugi.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Mataas pa rin umano ang bili nila sa mga panindang karne na binibili mula sa mga wholesalers. Sa Paco Market, sinabi ng ilang pork vendors doon na P265  na ang bili nila sa karneng baboy kaya imposible raw  na masunod nila ang price ceiling na P270 sa pigue at kasim at P300 sa liempo nang hindi malulugi.

Sabi naman ng isang vendor sa Murphy Market, sana raw ay ang pamahalaan na, sa pamamagitan ng Department of Agriculture, ang mag-supply ng karneng baboy sa kanila para masigurong masusunod nila ang ipinaiiral na price ceiling.

Ang dating P180 per kilo raw ng bili nila noon sa mga wholesalers ng buhay na baboy ay P220 na ngayon kada kilo. Handa raw nilang ipakita ang resibo bilang katunayan.

“Sila dapat ang magsu-supply sa amin para masunod namin ang price ceiling na gusto nila. Willing po kami magpakita ng resibo kung magkano ang kuha namin sa supplier kasi ‘yun lang po ang magiging ebidensiya namin,” giit ni Von Obceña, tindero sa Murphy Market.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Sinabi pa ng mga pork vendors na magsasagawa sila ng signature campaign upang ipanawagan na alisin na ang price ceiling.

Samantala, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na tagumpay ang kanilang pagpapatupad ng price ceiling. Ito ay sa kabila ng mga reklamo ng pork vendors.

“Ang monitoring namin meron pang nagbebenta P350, P360 pero wala na ‘yung P400 hanggang P450. Marami pa rin nagbebenta ng P270 hanggang P300 na sumusunod,” ani DA Assistant Secretary Arnel de Mesa.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Sa susunod na linggo ay pag-uusapan daw ng ahensya kung itataas ang price ceiling o irerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan na itong alisin.

Loading…