Imported na baboy sa supermarket saklaw na rin ng price cap – Palasyo

Imahe mula sa Foursquare
  • Saklaw na rin ng price cap ang mga imported na karneng baboy sa mga supermarket
  • Dati kasing sinabi ng DA na saklaw lamang ng EO ang mga ibinebenta sa palengke sa Metro Manila
  • Wala naman daw pinagkaiba ang baboy sa palengke at ang baboy sa supermarket

Hindi lang ang mga itinitindang baboy sa palengke ang magkakaroon ng price ceiling kung hindi isasama na rin ang mga panindang imported na karne sa mga supermarket ayon sa pinakahuling update ng Malakanyang.

Sa online press briefing nitong Huwebes, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magkakaroon na rin ng hiwalay na label ang inangkat na karne ng baboy at ito ay sasaklawin na rin ng price cap.

Imahe mula sa PCOO

“Kahapon po, nangako ang DTI sa pamamagitan ni Secretary Lopez na henceforth magkakaroon po ng label na imported ang baboy na binibenta sa supermarket,” ani Roque.

“At kapag ito ay imported na baboy, subject na rin po sya sa price cap,” wika ng kalihim.

Nauna rito, sinabi dati ng Department of Agriculture (DA) na saklaw lamang ng executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga karneng ibinibenta sa mga palengke at hindi kasali rito yaong mga nasa supermarket.

Imahe mula sa PNA

Bukod dito, ang prize freeze ay para lamang umano sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Paliwanag ni Roque tungkol sa bagong kautusang ito, wala namang pagkakaiba ang karneng ibinibenta sa palengke sa mga itinitinda sa supermarket.

“Sabi ko nga po kagabi, meron tayong prinsipyo, equal protection clause. Kinakailangan things similarly situated must be treated alike. Eh ano ba ang pagkakaiba ng baboy sa supermarket at baboy sa palengke?” ayon kay Roque.

Imahe mula sa Give Me This Day Blogspot

“Sabihin mo nang meron silang additional overhead, pag sila naman ay nag-angkat, mas mura kaysa doon sa nabibili sa lokal. So ngayon po patas,” dagdag na pahayag nito.

Ang Executive Order No. 124 ay nagtatakda ng price ceiling na  P270 kada kilo para sa kasim at pigue;  P300 kada kilo sa liempo; at P160 para sa dressed chicken. Ito ay ipatutupad simula sa darating na ika-8 ng Pebrero.

Loading…