Interior design student ibinahagi ang kaniyang “lutang moment” sa ginagawang plate

  • Ibinahagi ng isang mag-aaral ang kaniyang lutang moments
  • Mag-aaral ng interior design ang mag-aaral
  • Napansin ng mga netizens ang pagkakamaling nagawa niya sa plate; ipinaliwanag naman niya kung bakit

Naranasan mo na ba ang “lutang moments?” Iyong tipong hindi mo namamalayang iba na pala ang ginagawa mo, o sa malas, hindi mo na alam o natatandaan na ginawa mo ang isang bagay. Kumbaga, wala sa wisyo.

Kagaya na lamang sa itinampok na larawan sa Facebook page na “Guhit Potato” na ibinahagi ng netizen na si “Cerdan Danabar,” mag-aaral ng BS Interior Design sa EARIST. Makikita sa larawan ang isang plate para sa interior design ng bahagi ng isang bahay, bilang output niya. Saad niya sa kaniyang caption, “Lutang moment, hanapin n’yo na lang hahaha.”

Imahe mula sa Facebook account ni Sirdan/Cerdan Danabar

Sa unang tingin ay talaga namang maganda ang pagkakaguhit at disenyo, ito ay isang restroom o palikuran. Subalit sa pagkalutang moment ng interior designer student, ang nailagay niya ay “living room” o tumutukoy sa sala ng bahay. Mahalaga ang sala dahil dito nagsasama-sama ang buong pamilya at dito rin ineestima ang mga bisita.

Samantala, ipinaliwanag naman niya kung bakit siya nagka-lutang moments.

“Nauna ko kasing gawin yung living room kaya akala ko living room pa rin ginagawa ko,” paliwanag ng nag-upload ng larawan ng plate, na siya rin palang gumawa at nagdisenyo nito.

“Kulang sa tulog, samahan ng stress at pressure. Actually di ko alam kung anong uunahin ko napaghahalo-halo ko na lahat hahaha,” dagdag pa niya.

Kaniya-kaniyang interpretasyon naman dito ang mga netizens.

“So freaking pretty, don’t mind the others, some mistakes happen. Baka puwede namang maremedyuhan,” saad ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Sirdan/Cerdan Danabar

Turan naman ng isa, “Madali lang naman masolusyunan iyan, takpan lang ng adhesive tape o kaya correction tape tapos okay na iyan!”

“Ganda pa rin. Reality check, kahit gaano kaganda ang nagawa mo, mas mangingibabaw pa rin ‘yong mali na nakikita ng tao,” wika naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Practice mo lang drafting skills mo at lettering, be creative lang palagi.  Tuturuan naman kayo ng prof niyo mula sa umpisa kaya makakasabay ka.”

Samantala, ibinahagi rin niya na naitama na niya ang kaniyang pagkakamali: nailagay na niya ang tamang label na “restroom.”

Imahe mula sa Facebook account ni Sirdan/Cerdan Danabar

Ikaw, ano ang mga lutang moments mo?

Source :

Facebook

Loading…