Isko Moreno, Joseph Estrada muling nagkita

Imahe mula sa Facebook | Isko Moreno Domagoso
  • Nagkumustahan at kamayan sina Manila Mayor Isko Moreno at ang kaniyang predecessor na si dating Manila Mayor Joseph Estrada
  • Masaya raw si Moreno dahil maayos ang kalusugan ni Estrada ngayong may kinahaharap na pandemya ang bansa
  • Naging magkatunggali sina Moreno at Estrada sa nakaraang eleksyon

Muling nagkita sina Manila Mayor Isko Moreno at ang kaniyang naging katunggali sa pagka-alkalde na si dating Pangulong Joseph Estrada.

Sa isang Facebook post ay sinabi ni Isko na muli silang nagkita ng kaniyang predecessor na si Estrada sa isang kasalan.

Imahe mula sa Facebook | Isko Moreno

“Akin pong ikinagalak nang sa isang kasalan ay muli kong nakatagpo ang dating alkalde ng Maynila, si dating pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada,” ani Moreno sa post kalakip ang larawan kung saan makikitang nagkakamayan sila ni Estrada.

Hindi na idinetalye ng alkalde kung kaninong kasal ang kanilang pinuntahan ngunit sinabi niyang nagkumustahan sila ni Estrada.

“Kinumusta ko po siya at kinumusta niya rin po ako. Ako po ay nagalak sa kaniyang mabuting kalusugan lalo na sa panahong ito ng pandemya,” ani Moreno. “Kay dating Pangulong Erap, God bless you po. Stay healthy and safe.”

Ganito rin daw ang hiling ni Moreno para sa mga taga-Maynila. “‘Yan din naman po ang panalangin ko para sa lahat ng mga Batang Maynila at mga Pilipino, ang manatiling ligtas sa pandemya at anumang karamdaman lalo na sa panahong ito,” sabi pa ni Moreno.

Imahe mula sa Facebook | Joseph Estrada

Matatandaang mula sa pagiging magka-tandem ay naging magkalaban sa politika sina Moreno at Estrada nang tumakbo sa pagiging alkalde ang una noong 2019.

Matapos na magkaroon ng 357,952 votes ay naiproklamang alkalde si Moreno. Nagkaroon ng 210,605 votes si Estrada habang ang yumaong si dating Manila Mayor Alfredo Lim naman ay nagkaroon ng 138,923 votes.

Hindi kaagad natanggap ni Estrada ang pagkatalo. “‘Di ko alam paano nangyari, hanggang ngayon iniisip ko… sobrang bigat. Until now, I’m still at a loss kung sino ‘yong malaking gumawa nito,” sabi niya sa isang lumang panayam sa ABS-CBN.

Samantala, nagkaroon naman ng courtesy call kay Estrada si Moreno bago ito tuluyan bumaba sa pwesto.

“We’re very happy that okay naman ‘yong pagtanggap sa amin,” sabi noon ni Moreno.

Loading…