Israel may libreng pa-meryenda para magpabakuna ang mga Israelitang takot sa COVID-19 vaccine

Screenshot mula sa Newzee video
  • May alok na libreng meryenda ang Israel para mahimok na magpabakuna ang mga mamamayang ninenerbiyos magpaturok ng COVID-19 vaccine
  • Umaasa ang city government ng Tel Aviv na ang libreng meryenda ay magdudulot ng “family-like atmosphere” sa vaccination centers para makihayat ang mga nag-aatubili

May alok na libreng pizza, hummus, pastry at isang tasa ng kape ang pamahalaan ng Israel sa pag-asang mahimok na magpabakuna ang mga mamamayan nitong ninenerbiyos magpaturok ng COVID-19 vaccine.

Screenshot mula sa Newzee video

Ang libreng meryenda ay iniaalok sa dalawang pop up vaccination centers sa pakikipagtulungan ng mga local restaurants.

Sa kabila ng pagiging nangunguna sa buong mundo sa bilis ng kanilang vaccination campaign, nag-aalala pa rin ang Israeli government na hindi mabakunahan ang mga mamamayang kabadong magpainiksyon.

Pero noong Martes, ika-16 ng Pebrero, ay dose-dosena ang nagpabakuna sa tulong na rin kahit papaano ng libreng meryenda.

“We came to get vaccinated. Until now, we were worried but because of the upcoming restrictions, there was not much choice, and it’s also very nice to get a pizza and a coffee,” sabi ni Lizi Kritzer, isang 32-year-old municipality worker, na ang binanggit na restriksyong ipatutupad ay para sa mga taong ayaw magpabakuna.

Screenshot mula sa Newzee video

May plano ang kanilang pamahalaan na luwagan ang mga restriksyon sa mga negosyo simula sa Linggo, ika-21 ng Pebrero, at payagan nang magbukas ang mga hotel at gym para sa mga mamamayang nabakunahan na ng dalawang dose at sa mga taong pinagpapalagay na immune matapos makarekober sa COVID-19 infection.

Ayon sa tagapagsalita ng lungsod ng Tel Aviv na si Eytan Schwartz, umaasa ang city government na ang libreng meryendang alok sa mga vaccination centers ay magdulot ng “family-like atmosphere” para mahikayat ang mga nag-aatubili.

“I came today to get vaccinated and I tell everyone to come and get the shot so that we can keep our health better,” sabi ni Iman Dasui, isang 60-year-old teacher.

Screenshot mula sa Newzee video

Aniya, masarap at malasa ang libreng knafeh (Middle Eastern Sweet Cheese Pastry) na ibinigay sa kanya sa vaccination center.

Loading…