Kapuso Mo, Jessica Soho nananatiling number 1 TV program sa Pilipinas

Imahe mula sa KMJS
  • Numero unong TV program sa Pilipinas ang KMJS noong 2020, ayon sa AGB Nielsen NUTAM
  • Ito na ang ikalawang magkasunod na taon na nanguna ang KMJS sa nationwide urban ratings
  • Hindi lang sa telebisyon ito sinusundan ng mga viewers, maging ang online videos ng programa ay humahakot ng views mula sa mga social media users

Ang longest-running news magazine program na Kapuso Mo, Jessica Soho o KMJS ang numero unong programa sa telebisyon sa buong bansa noong taong 2020. Ito ay ayon sa AGB Nielsen NUTAM (National Urban Television Audience Measurement).

Imahe mula sa KMJS

Sa isang press release na inilabas ng GMA Network, sinabi nito na batay sa datos ng AGB Nielsen ay nakapagtala ng 20.6% average people’s rating ang KMJS mula Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon.

Ito na ang ikalawang magkasunod na taon na nanguna ang KMJS sa nationwide urban ratings.

Hindi lang sa telebisyon humahataw ang KMJS. Palagi ring inaabangan ng mga manonood ang online videos ng programa dahil sa magagandang episodes na ipinalalabas nito. Sa kabuuan, ang online videos nito ay humakot na ng 1.7 billion views.

Hindi lang ‘yun. Ang official Facebook page ng KMJS ay may 21 million followers. Linggo-linggo ring trending sa Twitter ang mga episodes nito.

Imahe mula sa KMJS

Bukod sa mga nabanggit na mga numero, ipinagmamalaki rin ng KMJS ang ipinalabas nitong mga kwento na nagbibigay-inspirasyon tungkol sa mga kabayanihan at kabutihang-loob na ipinakita ng mga frontliners, health workers at mga ordinaryong Pilipino sa gitna ng pandemya.

Ang KMJS ang isa sa mga local TV shows na naglabas ng mga episodes na nagbibigay ng mga sariwang impormasyon tungkol sa COVID-19 at sa epekto nito sa buhay ng mga Pilipino dito man sa bansa o sa abroad.

“We saw the best in us during this crisis. It is a privilege to share the stories of Filipinos who shine through during this darkest of times. Our heartfelt thanks to our viewers who have made us their favorite kakuwentuhan and weekly family bonding time,” sabi ni Jessica Soho, host ng KMJS.

Tuwing araw ng Linggo 8:40 ng gabi napapanood ang KMJS. Ang naturang programa ay nagsimulang umere sa telebisyon noon pang November 2004.

Imahe mula sa KMJS

 

Loading…