Kawatan, tinangay ang cellphone at P800 na benta ng 10-anyos na batang naglalako ng lumpia

Screenshot mula sa GMA video
  • Tinangay ng kawatan ang cellphone at P800 na benta sa pagtitinda ng lumpia ng isang 10-anyos na batang lalaki sa Pangasinan
  • Nagpakilala umanong kagawad at kaibigan ng lola ng bata ang lalaking hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan
  • Bukod sa pera at cellphone ay tinangay din ng kawatan ang mga panindang lumpia

Naiyak na lang ang isang sampung taong gulang na batang lalaki na nagtitinda ng lumpia habang isinasalaysay ang ginawang pambibiktima sa kanya ng isang kawatan sa Calasiao, Pangasinan.

Screenshot mula sa GMA video

Tinangay umano ng hindi pa nakikilalang lalaki ang cellphone ng bata na ilang buwan umano niyang pinag-ipunan upang may magamit sa kanyang online class. Maging ang walong daang pisong benta niya sa paglalako ng lumpia ay kinuha rin ng kawatan.

Ayon sa bata, plano sana niyang gamitin ang perang natangay upang ipambili ng mga bagong damit at sapatos.

Hindi rin pinatawad ng kawatan ang lumpiang ibinebenta ng bata. Pati iyon ay tinangay.

“Pati din ‘yung mga pagkain kinuha din,” sabi ng bata.

Nagpakilala umanong isang kagawad ng barangay ang lalaki at sinabing kaibigan nito ang lola ng bata. Dinala raw siya ng lalaki sa isang lugar at doon kimuha ang cellphone, pera at paninda niya. Bago raw umalis ang lalaki ay sinabing tatawagan nito ang lola ng bata, subalit hindi na ito bumalik hanggang makatulog na ang bata sa lugar na pinagdalhan sa kanya.

Screenshot mula sa GMA video

“Pinilit niya po ako hanggang makatulog na ako sa bilihan ng tsinelas po…’yung tambayan doon. Doon lang po kami natulog tapos sinabi niya pong tatawagan niya ‘yung lola namin,” salaysay ng bata.

May mensahe naman ang bata sa kawatan.

“Sana kapag makikita n’yo ‘to huwag n’yo nang ulitin sa iba po,” anang biktima.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Calasiao PNP. Nangangalap na sila ng posibleng CCTV footages sa pinangyarihan ng insidente.

Screenshot mula sa GMA video

Panoorin:

Loading…