Lady Gaga nag-alok ng $500,000 reward para sa ninakaw na 2 French bulldogs

Imahe mula sa Instagram ni Lady Gaga
  • Ninakaw ang dalawang French bulldogs ni Lady Gaga sa Hollywood nitong Miyerkules
  • May alok na $500,000 reward ang singer sa sinumang makapagbabalik sa kaniyang mga alaga
  • Nasaktan din sa insidente ang kaniyang dog walker at ngayon ay nagpapagaling na

Nag-aalok umano ng tumataginting na $500,000 (mahigit P24-M) ang sikat na pop singer-songwriter na si Lady Gaga para matagpuan ang kaniyang dalawang alagang aso na ninakaw sa Hollywood  noong isang araw.

Base sa ulat ng CNN, isang source umano ang nagsabi sa kanila na magbibigay ang singer ng nabanggit  na halaga sa sinuman na kumuha ng kaniyang dalawang French bulldogs.

Imahe mula sa Instagram ni Lady Gaga

“[Lady Gaga] is offering half-a-million dollars to anyone who has her two dogs, no questions asked. Anyone who has the dogs can use this email, [email protected] to retrieve the reward,” ayon sa source.

Nangyari ang insidente noong Miyerkules habang ipinapasyal ng dog walker ni Lady Gaga na si Ryan Fischer ang tatlong tinaguriang ‘Instafamous Frenchies’ ng singer Miyerkules nang gabi.

Napag-alaman sa ulat na nabaril si Fischer at iniwan itong walang malay sa lugar. Nawawala naman ang dalawang French bulldogs na sina Koji at Gustavo na pinaniniwalaang ninakaw ng kung sinuman ang responsable sa pangyayari.

Samantala, nakatakas naman umano si Miss Asia na kinalaunan ay nabawi ng bodyguard ni Lady Gaga mula sa Hollywood LAPD station.

Imahe mula sa Instagram ni Lady Gaga

Ayon naman sa ulat ng LAPD, isang lalaki ang pinaniniwalaang nasa likod ng insidente at tumakas raw ito sakay ng isang putting van. Sa kasalukuyan, iniimbestigahan na ang pangyayari.

“The investigation is still open as LAPD continue their search for the suspect or suspects,” ayon sa tagapagasalita ng LAPD.

Samantala, nadala naman kaagad sa pagamutan si Fischer at ngayon ay nagpapagaling na.

Si Lady Gaga ay sinasabing nasa Italy para sa kaniyang pelikulang ‘Gucci’ nang mangyari ang pagnanakaw sa kaniyang mga alaga.

Loading…