Lalaki nabentahan ng pekeng iPhone 11 na nabili sa halagang P6.5k

Image capture from video by ABS-CBN News via YouTube
  • iPhone 11 Pro Max na nabili ng lalaki online sa halagang P6,500.00, peke pala
  • Nakakausap pa raw ang seller sa una pero na-block na kalaunan
  • Police: Mag-ingat tayo, dapat bumibili tayo sa lehitimong mga tindahan

Maging maingat sa mga binibili online dahil nagkalat ang mga nagbebenta ng mga pekeng produkto na kalimitan ay mas mababa ang presyo sa regular price. Ganito ang nangyari sa isang lalaki na nakabili ng pekeng iPhone 11 Pro Max sa halagang P6,500.00 kamakailan.

Image capture from video by ABS-CBN News via YouTube

Batay sa ulat ng ABS-CBN News/Teleradyo, gagamitin sana ang cellphone para sa online class ng nakababatang kapatid. Kaya lamang, nang dumating ito ay hindi magamit, mas magaan kumpara sa karaniwang iPhone at hindi nagcha-charge pero umiinit.

Pahayag ng buyer ay nakakausap pa raw niya ang seller sa una, “Chinat ko siya ngayon nang chi-nat, ini-insist niya palagi na i-charge mo nang maayos hanggang sa bumigay na ‘yung charger niya.

“Gusto ko sanang i-refund ‘yung pera ko ganyan, ‘hindi sir’ sabi niya, inuutusan pa niya ako, ‘magtiyaga lang kayo matututunan din ninyo ‘yan’ Doon na nag-init ang ulo ko.”

Hanggang sa tuluyan na siyang i-block sa social media ng seller.

“First time ko mag-transact sa online eh, ‘yun nga nagpadalos-dalos. Mas safe pa rin na doon sa legit shops na masasabi ko. ‘Yun, lesson learned sa nangyari, nangyari na eh. Baka mas makamura, mas makadali na magamit ng bata, wala,” pahayag niya.

Nai-report naman ito sa awtoridad at sa tulong ng isang kaibigan ay nag-order ulit ng cellphone sa seller at inaresto ang nagdeliber.

Ayon sa delivery rider, isang linggo pa lamang daw siya sa trabaho at walang alam sa transaksyon. Sasampahan ang nahuli ng kasong estafa.

Image capture from video by ABS-CBN News via YouTube

Pinaghahahanap pa rin sa ngayon ang seller at ang rider na naunang nagdeliber ng pekeng iPhone.

Samantala, nananawagan ang nga awtoridad  na kaagad na makipag-ugnayan sa kanila kapag nakaranas ng kaparehong insidente.

“Mag-ingat tayo, dapat bumibili tayo sa lehitimong mga tindahan lalong-lalo na ‘yung mga mayroon pong mga permit na mag-operate at magbenta po ng ganyan, mga cellphone,” pahayag ni PMaj. Joel Gomez, Commader, Pamplona Sub-station, Las Pinas.

Panoorin ang video report mula ABS-CBN News via YouTube:

Loading…