Lalaking ROF sa Ilocos Norte kumpirmadong may UK COVID variant

Imahe mula sa PNA
  • Isang returning overseas Filipino sa Ilocos Norte ang kumpirmadong may UK variant
  • Ito ang kauna-unahang kaso ng UK COVID variant sa probinsiya
  • Kaagad ipinag-utos ng lalawigan ang mandatory 14-day quarantine para sa lahat ng uuwi doon

Isang 46-anyos na lalaking returning overseas Filipino (ROF) ang kumpirmadong may UK variant ng COVID-19 sa Ilocos Norte. Ito kauna-unahang kaso ng mas nakahahawang variant ng COVID sa probinsiya.

Sa opisyal na pahayag na inilabas ng lalawigan sa kanilang Facebook page, nasasaad dito na ang pasyente ay residente ng  Barangay Sulongan, Pasuquin at umuwi sa bansa galing Bahrain nitong Enero 23.

Nagpositibo ito sa COVID matapos sumailalim sa testing pagkalapag sa airport at na-quarantine sa Metro Manila simula Enero 24 hanggang Pebrero 7.

Umuwi ang lalaki sa Ilocos Norte noong Pebrero 8 at inilapat noong Pebrero 10 sa Foyer de Charite Quarantine Facility ng probinsiya. Nitong Pebrero 13 ay kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nagpositibo ang ROF sa UK variant.

HInikayat din ng DOH ang pamahalaang lalawigan na magsagawa ng contact tracing hanggang 3rd generation kaya agad inilunsad ang Task Force Salun-at.

Kaagad naman umanong natunton ng task force ang mga nakasalamuha ng pasyente at isinailalim ito sa swab testing.

Kabilang sa itinuturing na third generation contact ng lalaki ang mga kumain sa isang eatery sa  Badoc border  noong Pebrero 9 hanggang 1:00 p.m. ng February 14. Sila ay inabisuhan na mag-report sa kani-kanilang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERT) para sa testing at 14-day quarantine.

Gov. Matthew Manotoc| Imahe mula sa PNA

Kaugnay nito, ipinag-utos naman ng lalawigan ang mandatory 14-day quarantine para sa lahat ng ROF na uuwi sa Ilocos Norte bilang pag-iingat.

“We were very concerned on the possibility and threat of the new UK variant. We really don’t know where’s the UK variant. So, quarantine is a must,” pahayag ni Governor Matthew Joseph Manotoc.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 44 kumpirmadong kaso ng mas nakahahawang UK variant o B117 variant sa bansa at 19 dito ay noong nakaraang linggo lang naitala ng DOH.

Sa kabila nito, iginiit ng ahensiya na wala pang sapat na katibayan para sabihing nagkaroon na ng community transmission ng bagong variant ng COVID.

Loading…