Love story ng isang nurse at doctor nabuo dahil sa “swab test”

  • Nabuo ang love story ng dalawang medical frontliners dahil sa swab testing
  • Isang nurse at internist na physician o doktor ang nagpakasal noong 2020
  • Pareho na silang nasa 30s kaya hindi na sila nagpatumpik-tumpik pa

Sabi nga, hindi dapat hinahanap ang pag-ibig dahil kusa itong darating—sa oras, kalagayan, at pagkakataong hindi inaasahan.

“When everybody was running away from COVID-19, we ran towards it” – COVID19LoveStory,” iyan ang nakasaad sa caption ng Facebook post ng government nurse na si Mark Raymond Mendoza, 31 anyos, na nagpapakita ng updated cover photo niya kasama ang misis na si Diane Rombaoa, isang doktora.

Imahe mula sa Facebook account ni Mark Raymond Mendoza

Isinalaysay ni Mark ang kanilang cute love story sa Inquirer. Sa kasagsagan umano ng enhanced community quarantine o ECQ at nagsisimula nang lumobo ang COVID-19 sa Pilipinas, ipinatawag siya ng kaniyang superior dahil kailangan daw niyang kuhanan ng swab test ang dalawang kasamahang nabantad sa pasyenteng may COVID-19. Nang mga sandaling iyon, pauwi na sana siya dahil tapos na ang duty niya.

Wala namang nagawa si Mark kundi tumalima dahil kakaunti lamang silang nakakaalam ng mga panahong iyon, kung paano gawin ang swab testing. Subalit kung hindi siya sumunod at umuwi na kaagad, malamang, hindi niya nakilala ang internist na si Diane, 36 anyos, na siya palang nakatadhana para sa kaniya.

Sa pagkikita raw nila, nagtama ang kanilang mga paningin, lalo’t pareho silang nakasuot ng face mask. Makalipas ang dalawang araw, si Mark  mismo ang nagpabatid kay Diane na negatibo ang resulta ng swab test nito. At ‘ika nga, the rest is history. Doon na nagtuloy-tuloy ang kanilang walang patid na komunikasyon.

“Here are two people who found love during this pandemic, so I guess it still wasn’t all bad,” saad ni Mark.

Imahe mula sa Facebook account ni Mark Raymond Mendoza

Kung may naituro man daw ang pandemya sa kanila, ito ay ang kawalang-katiyakan sa mga mangyayari sa hinaharap, kaya kailangang i-enjoy na lamang ang mga sandaling kasama mo ang mahal mo sa kasalukuyan.

Naging magkasintahan sila noong May, nag -propose ng kasal noong Hunyo, at ikinasal sila noong Oktubre. Hindi na rin naman daw sila bumabata. Pareho na silang nasa 30s.

Pagbati sa mag-asawang sina Nurse Mark at Doktora Diane! Talaga nga namang love moves in mysterious ways!

Loading…