LTO posibleng bawasan ang motor vehicle inspection fees

Imahe mula sa PIA
  • Posibleng babaan ng LTO ang bayad sa motor vehicle inspection
  • Hiniling na umano nila ito sa mga MVICs
  • Para naman kay Senador Poe, wala sa timing ang pagpapatupad ng LTO memo sa PMVIC

Bukas ang Land Transportation Office (LTO) sa posibilidad na babaan ang singil sa bagong ipinatutupad na motor vehicle inspection ng ahensiya sa gitna ng batikos ng ilang senador at mga motorista.

Ito ang sinabi ni  LTO chief Edgar Galvante sa ginanap na Senate hearing kamakailan matapos punahin ni Senador Grace Poe na hindi dumaan sa public consultation ang LTO Memorandum Circular (MC) 2018-2158 na naglalaman ng panuntunan ukol sa private motor vehicle inspection centers (PMVICs).

LTO chief Edgar Galvante| Imahe mula sa PIA

Iginiit naman ni Galvante na nagsagawa sila ng public hearing kung saan napagkasunduan na gawing P1,000 hanggang P2,500 ang inspection fees. Kinalaunan ay naibaba rin umano ito sa pagitan ng P1,500 hanggang P1,800.

Ganunpaman, maaari pa rin daw itong babaan lalo pa’t nasa gitna ng pandemya ang bansa.

“Alam natin ngayon inabutan tayo ng pandemya kaya ang pinag-uusapan ay kung puwede pa ibaba yung fee ng inspection. Hindi naman ibig sabihin na yung sinabi naming presyo, hindi naman pinag-uutos na hindi sila pwedeng magbaba. Kumbaga, parang naging reference price lang yun,” paliwanag ni Galvante.

Sa katunayan daw, nakausap na niya ang mga MVICs at hiniling niya sa mga ito na babaan ang singil dahil sa hirap ng buhay.

Kinuwestiyon naman ni Poe ang timing ng pagpapatupad ng nabanggit na memorandum.

Imahe mula sa Senate of the Philippines

“First, the timing of its implementation could not have been worse. We are still in the middle of a pandemic with no definite end in sight. Masyadong mahal ang mga bagong sinisingil, hindi ba puwedeng time-out muna habang nasa gitna pa tayo ng pandemya?” tanong ng senadora.

Kaduda-duda rin umano, ayon pa kay Poe, ang mga instrumentong ginagamit ng mga MVICs dahil mukhang hindi ito calibrated. Nakatatanggap raw kasi sila ng ilang reklamo mula sa mga motorista na bumagsak ang kanilang sasakyan sa inspection kahit pa kagagaling pa lamang sa casa.

Dagdag pa ng mambabatas, halos naging triple ang bayarin sa inspection mula sa dating P500 lamang at ngayon ay P1,500, at maliban pa ito sa humigit-kumulang na P3,000 registration fee.

“Para sa isang sistema na napakarami pang problema, masasabi ba nating makatwiran ang mga bayaring ito? At sino ba ang nagbigay ng kung ano ba ang dapat na presyo para sa testing? Ano ang basehan ninyo dito?” pahayag ni Poe.

Loading…