Mag-inang Indonesian nagpinta ng silver paint sa katawan bilang paraan upang kumita ng pera

  • Pinipintahan ng mag-inang Javanese ang kanilang katawan ng silver paint
  • Sila ay gagawa ng “robot act” upang mabigyan sila ng kahit mga barya 
  • Ginagawa nila ito upang kumita ng pera

Hindi alintana ng mag-ina sa Depok, Indonesia ang sasabihin ng mga tao sa kanila, matapos nilang pintahan ang mga sarili ng silver paint, upang magmistulang mga robot, at maghatid ng kasiyahan sa abalang mga kalsada upang may maipambili sila ng kanilang pagkain sa araw-araw.

Ayon kay “Puryanti,” 29 taong gulang, ilan lamang sila sa pangkat ng mga taong nagpipinta ng “manusia silver” sa kanilang katawan, estratehiya upang mapukaw ang atensyon ng mga tao at mabigyan sila ng kahit kaunting barya, upang magamit nila bilang panggastos lalo’t isa rin ang Indonesia sa mga bansang hinagupit ng pandemya.

Public Domain Image

“Some give, some don’t,” saad ni Puryanti sa panayam sa kaniya kasama ang 5 taong gulang na anak, at pamangking si “Raffi” na 15 taong gulang naman.

Gumagamit siya ng homemade silver paint, na pinaghalong screen-printing powder at mantika, na ipinapahid nila sa kanilang mukha at katawan para magmukha silang mga robot. Sa halos tatlong buwan na ginagawa nila ito, wala pa naman daw silang nararamdamang masama sa kanilang mga katawan, lalo na sa kaniyang anak.

Hindi naman daw siya nahihiya sa kaniyang ginagawa, alang-alang sa kaniyang anak. Kahit na ganito ang sitwasyon nila ngayon, may pangarap pa rin naman si Puryanti para sa kaniyang pamilya.

“I want to have my own business. I want to open a small shop but I don’t have money for that,” saad niya.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“At least sila nagsisikap, hindi nanlalamang sa tao, hindi gumagawa nang masama, nakaka-proud yung ganito, kumikita sa malinis na paraan,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Sa Indonesia, kahit noon pa man, maraming makikitang ganyan sa kalsada, pinipinturahan mga katawan nila tapos aakto silang parang robot. Mas may dignidad nga naman kaysa sa mamalimos, kasi entertainment ang hatid nila.”

Public Domain Image

“Bilib ako sa inyo, pero ang concern ko lang, hindi ba ‘yan nakakapaso? Baka delikado ‘yan sa balat pati na rin sa kalusugan, lalo na’t may COVID-19 saka nakabilad sa araw, Napagtanto ko tuloy, masuwerte pa rin pala tayo kahit paano, may nakakain pa tayo,” wika naman ng isa.

Si Puryanti ay hiwalay na sa kaniyang asawa, kaya siya ang nagtataguyod sa kaniyang pamilya. Kapag maganda raw ang araw, kumikita siya ng 70,000 rupiah ($5), sapat upang makapagbayad siya ng renta sa bahay at iba pang mga pangangailangan nila ng anak.

Loading…