Mangingisdang hinarang ng Chinese Coast Guard, binubusalan daw ng AFP?

Screenshot mula sa video ng mangingisdang si Larry Hugo
  • Mangingisda na nagsumbong sa ginawang pagharang ng Chinese vessels sa kanyang bangka, pinipigilan daw ng AFP na magsalita?
  • Reklamo ng mangingisda, patungo siya sa sandbar malapit sa Pag-asa Island nang harangin ng dalawang Chinese vessels
  • Itinanggi ng Chinese Embassy sa Maynila ang paratang ng mangingisda
  • Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Department of National Defense at sa Philippine Coast Guard na gumawa ng mga hakbang upang mabigyan ng ibayong proteksyon ang mga mangingisdang Pinoy

Noong ika-25 ng Enero ay naglabas ng hinaing ang 42-anyos na mangingisdang si Larry Hugo na dalawang barko ng China ang humarang sa kanyang bangka habang patungo siya sa isang sandbar malapit sa Pag-asa Island upang mangisda.

Screenshot mula sa video ng mangingisdang si Larry Hugo

Mariing itinanggi ng Chinese Embassy sa Maynila ang mga pahayag ni Hugo at tinawag pa iyong fake news.

“There are always fake news spreading in a society. Just like a few days ago, there was fake news about China harassing the fishermen. There was no such thing,” sabi ni Chinese Ambassador to the Philippines na si Huang Xilian.

“Bulag sila sa mga picture na pinadala ko saka video. Pakiparating na lang doon sa nagsasabi niyan na bulag sila sa katotohanan. Papaanong nagkaroon ng barko at mga ano diyan,” ganting pahayag ng mangingisda sa pagtanggi ng Chinese ambassador.

Ang ikinasasama pa umano lalo ng kanyang loob ay tila pinatatahimik siya ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Screenshot mula sa GMA video

“Tiyak ko po, magagalit na naman ‘yan sila sa akin. Kasi binabawalan nila ako magsalita, ay hindi rin ako makapigil minsan. Nagagalit na rin ako minsan sa kanila, na may takot din na kahit papaano,” pahayag ng mangingisda.

Ayon pa kay Hugo, pinuputol raw ng AFP ang signal ng mga cellphone sa lugar upang hindi sila makapagsumbong. Tahasan namang itinanggi ng militar ang paratang.

“Ang atin pong AFP ay iginagalang po ‘yung karapatan na siya ay ano, ang bawat Pilipino ay magpahayag ng freedom of speech. Ginagalang ho ‘yan ng ating mga kasundaluhan. Alam po nila ‘yan,” sabi ni Colonel Stephen Penetrante ng AFP Western Command.

Screenshot mula sa Inquirer video

Wala rin umanong kakayahang teknikal ang mga kasundaluhang nagpapatrulya sa lugar na gawin ang ibinibintang ng mangingisda.

“Ang personnel po natin na naka-assign diyan sa island ay wala pong kakayahan o capability na putulin upang i-distrupt ang communication, cellphone signal diyan,” paliwanag ng opisyal.

Samantala, kaugnay ng sumbong ni Hugo, nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Department of National Defense at sa Philippine Coast Guard na gumawa ng mga hakbang upang mabigyan ng ibayong proteksyon ang mga mangingisdang Pinoy.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Risa Hontiveros

“Huwag natin hayaang mawalan ng kabuhayan at maghirap ang ating mga mangingisda dahil sa lumalalang pangbabraso ng China. Dapat mga Pilipino ang makinabang sa sariling likas yaman ng Pilipinas,” wika ng senadora.

Loading…