Manny Pacquiao tinanggalan ng WBA title; hinirang munang ‘Champion in Recess’

Imahe mula sa Bad Left Hook
  • Tinanggal muna ang WBA super welterweight title kay Senador Manny Pacquaio
  • Ito ay dahil sa kabiguan niyang idepensa ang titulo sa loob ng halos dalawang taon
  • Pinalit naman sa kaniya ang Cuban boxer na si Yordenis Ugas

Tinanggal muna kay Senador Manny Pacquiao ang titulong ‘Super’ welterweight champion ng World Boxing Association (WBA) dahil sa kabiguan ng Pambansang Kamao na sumabak sa title defense nitong nakaraang halos dalawang taon.

Nitong Biyernes, inanunsiyo ng WBA na pansamantalang tatawaging ‘Champion in Recess’ ang nag-iisang eight division titlist’ sa boksing dahil umano sa ‘di pagkakaroon ng laban ni Pacman simula noong 2019.

Pacquiao vs. Thurman, 2019| Imahe mula sa Bad Left Hook

Kasunod nito, itinaas naman ang Cuban boxer na si Yordenis Ugas bilang welterweight ‘Super’ champion kapalit ni Pacman.

“The WBA, according to its rule C.14, dictates that champions and their teams are required to know the WBA rules and regulations. Rule C.22-24 states that when a champion is unable to defend the belt for medical, legal or other reasons beyond his control, he may be named champion in recess,” paliwanag ng WBA sa isang pahayag.

“The medical reasons must be documented before the WBA Medical Committee, while the legal reasons must be evidenced before the legal director and the Championships Committee,” ayon pa sa boxing body.

Yordenis Ugas| Imahe mula sa Boxing Scene

Huling umakyat sa ring si Pacman noong Hulyo 2019 kung saan tinalo niya sa isang 12-round split decision si Keith Thurman para maiuwi ang WBA super welterweight champion.

Simula noon ay hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon para i-depensa ang kaniyang titulo dahil na rin sa iba’t-ibang dahilan subalit pangunahin na rito ang umiiral na pandemya na nagpahinto sa halos lahat ng larangan ng sports sa buong mundo.

Screenshot mula sa Instagram ni Garcia

Kaugnay nito, inanunsiyo rin ng Pambansang Kamao noong nakaraang linggo na posible siyang magkaroon ng laban ngayong taon bagama’t hindi pa tiyak kung sino ang kaniyang makasasagupa.

Sinabi rin ni Pacman na kung matuloy man ang laban niya sa sumisikat na Amerikanong si Ryan Garcia, posibleng isang ‘exhibition game’ lamang umano ito.

Loading…