Matapos ibasura ng SC ang electoral protest vs. Robredo, BBM tiyak ang pagtakbo sa 2022

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Ibinasura na ng SC ang electoral protest ni Bongbong Marcos
  • Tiyak naman ang pagtakbo niya sa halalan sa 2022
  • Ikinatuwa naman ng kampo ni Robredo ang desisyon ng SC

Kinumpirma ng kampo ni dating senador Bongbong Marcos ang kaniyang pagtakbo sa darating na halalan sa 2022.

Ginawa ng abogado ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez ang nasabing pahayag isang araw matapos ibasura ng Korte Suprema ang electoral protest ng dating senador laban sa pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo.

Nakatakda umanong maglabas ng pormal na anunsiyo si Marcos tungkol sa kaniyang planong pagtakbo sa 2022 anumang araw simula ngayon.

Imahe mula sa CNN

“He will definitely be running for 2022,” pagtitiyak ni Rodriguez sa panayam ng ANC nitong Miyerkules.

Hindi naman kinumpirma ng abogado kung anong posisyon ang tatakbuhan ng kaniyang kliyente bagama’t malakas ang ugong-ugong na gustong makabalik ng anak ng namayapang strongman sa Malakanyang.

SC binasura ang buong electoral protest ni Marcos

Makaraan ang halos limang taon, pormal nang tinuldukan ng Korte Suprema ang electoral protest ni Marcos na kumukuwestiyon sa pagkapanalo ni Robredo noong 2016 vice presidential election.

Magugunitang nagsampa  ng reklamo si Marcos sa Presidential Electoral Tribunal (PET) dahil sa diumano’y pandaraya sa kaniya ng kampo ni Robredo matapos matalo sa huli ng 263,473 na boto lamang.

Imahe mula sa Facebook ni VP Leni Robredo

Subalit sa recount na ginawa ng Korte Suprema, na siya ring tumatayong PET, nadagdagan pa ng mahigit 15,000 boto ang lamang ni Robredo kay Marcos.

Sa pahayag na inilabas ni SC spokesperson Brian Hosaka nitong Martes, sinabi nitong ‘unanimous’ ang pagbasura ng mga mahistrado ng Korte Suprema sa protesta ani Marcos.

Sa 15 mahistrado, pito umano ang ‘fully concurred’ sa dismissal habang walo naman ang nag-concur sa resulta.

‘Di pa tapos ang laban?

Hirit naman ng kampo ni Marcos, hindi pa tapos ang laban dahil hindi pa nadedesisyunan ng SC ang kaniyang third cause of action na annulment ng resulta ng eleksiyon sa Mindanao; bagay na hindi sinang-ayunan ng Korte Suprema.

“With regard to (the case) … the 15 members of the Presidential Electoral Tribunal unanimously dismissed the entire electoral protest,” ayon sa maikling pahayag ng SC information office.

Samantala, ikinatuwa naman ni Robredo ang lumabas na desisyon ng SC. Aniya, “Today, truth prevailed! We upheld the true mandate of the 2016 elections.”

Umapela rin ang Bise Presidente na isantabi na muna ang lahat ng ‘di pagkakaunawaan at hidwaan ng kani-kanilang supporters dahil mas maraming mamamayang Pilipino ang nangangailangan ngayon ng tulong dahil sa krisis.

Loading…