Mayor Tiangco tiniyak ang tulong, kompensasyon sa mga apektado ng ammonia leak

Screenshot mula sa Teleradyo video
  • Tiniyak ni Mayor Tiangco ang tulong pinansiyal sa mga naapektuhan ng chemical leak
  • Humingi na rin ng paumanhin ang alkalde lalo pa’t pag-aari ng kaniyang ina ang ice plant
  • Hindi rin daw magandang tingnan na ang lokal na pamahalaan ang sasagot sa mga gastos

Tiniyak ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang pinansiyal na tulong at suporta sa mga naapektuhan ng ammonia leak nitong nakaraang Miyerkules na nauwi sa pansamantalang paglikas ng daan-daang residente doon.

Humingi na rin ng paumanhin si Tiangco lalo pa’t ang kumpanya kung saan nagmula ang chemical leak ay pag-aari mismo ng kaniyang ina.

Screenshot mula sa Teleradyo video

“First of all, siyempre, kumpanya ‘yan ng magkakapatid ng mother ko. Kamag-anak ko ‘yan. Ako ay humihingi ng paumanhin sa nangyari doon,” anang alkalde. “Number two, assurance na kung anuman ‘yong pinsala sa kanila, they will be compensated.”

Sasagutin umano ng nasabing kumpanya ang lahat ng gastos sa pagpapagamot ng mga nasugatan at pagpapalibing ng dalawang sinawimpalad sa insidente.

“Kahit po ayan ay kompanya ng nanay ko, kailangan po silang sumunod sa lahat ng regulasyon at sisiguraduhin po nating susunod sila,” pagtitiyak ni Tiangco.

Gastos ‘di dapat sagutin ng lungsod

Samantala, sa isa pang panayam, nilinaw din ng alkalde na hindi maaaring ipasa sa lokal na gobyerno ang mga gastusing ito.

Hindi naman daw sa ayaw ng lokal na pamahalaan, subalit ang pangyayari ay idinulot ng isang private company na nagkataong pag-aari ng kaniyang pamilya.

Screenshot mula sa Teleradyo video

“So pangit naman na gastusin ang pera ng gobyerno dahil ang pinsala ay nanggaling sa kumpanya na pag-aari ng pamilya ng nanay ko so they will have to pay for everything,” paliwanag ni Mayor Tiangco.

Nangako ang alkalde na sisingilin niya at papanagutin ang kumpanya ng kaniyang nanay dahil napakasensitibo raw nitong usapin para sa kaniya.

“Hindi sa ayaw naming tumulong pero in this case, dapat po hindi gamitin ‘yung pondo ng gobyerno. Sana maintindihan n’yo po kasi delicadeza po ‘yun eh,” ayon pa sa alkalde.

Screenshot mula sa Teleradyo video

Mahigit sa 100 residente ang isinugod sa pagamutan at dalawa rito ang binawian ng buhay na trabahador ng TP Marcelo Ice Plant and Cold Storage kung saan nagmula ang leak.

Ipinasara na rin ng lungsod ang ice plant at hindi umano ito papayagang magbukas muli hangga’t hindi naidedeklarang ligtas na ang kapaligiran.

Loading…