Mga hikers na namitas ng pitcher plant sa kabundukan sa Marinduque wanted sa DENR-PENRO

Imahe mula sa DENR-PENRO Marinduque
  • Mga hikers wanted sa DENR-PENO Marinduque dahil sa ilegal na pamimitas ng pitcher plants
  • Kumalat sa social media ang larawan ng isang grupo ng mga hikers na may mga hawak na pinitas na wild plants
  • Sinabi ng BNB-DENR na bawal sa batas ang pamimitas ng wild plants, lalo na ng mga endangered species

Isang grupo ng mga hikers na umakyat sa Mt. Malindig sa Marinduque ang pinaghahanap ng Department of Environment and Natural Resources-Provincial Environment and Natural Resources Office (DENR-PENRO) dahil sa pamimitas ng wild plants na itinuturing na endangered.

Imahe mula sa DENR-PENRO Marinduque

Kamakailan lang ay kumalat sa social media ang larawan ng isang grupo ng mga hikers na umakyat sa Mt. Malindig sa pamamagitan ng Makulilis Peak. Kapansin-pansin na ang ilan sa kanila ay may hawak na pitcher plant; isang uri ng halaman na bawal pitasin.

Nanawagan ang DENR-PENRO Marinduque sa publiko ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga hikers.

“Isang makakalikasang araw sa inyong lahat! Sa lahat po ng nakakakilala sa mga tao na naka-post dito sa picture na ito, pwede po kaya namin makuha ang mga full name at address nila,” nakasaad sa Facebook post ng ahensya.

Ayon sa isang public advisory na inilabas ng Biodiversity Management Bureau (BMB) ng DENR noong Ika-8 ng Pebrero, ang pangongolekta at pagbebenta ng mga wildlife kabilang na ang mga halaman, lalo na ang mga itinuturing na endangered, ay ipinagbabawal sa batas at may karampatang kaparusahan para sa mga lumalabag.

Imahe mula sa NM Marinduque-Romblon Area Museum

Sa ilalim ng probisyon ng Republic Act 9147 o ang Wildlife Act of 2001 maaaring makulong nang hanggang apat na taon at pagmultahin ng hanggang P300,000 ang mga violators.

Nakiusap sa publiko ang DENR-BMB na huwag tangkilikin ang mga wild plants na ilegal na pinitas. Sa halip ay dapat daw tangkilikin ang mga ornamental plants na pinararami sa mga plant nurseries.

Ang walang habas na pangongolekta ng wild plants ay maaari umanong magresulta sa pagkalipol ng mga ito.

Imahe mula sa DENR-BMB

 

Loading…