Mga naaktuhang walang face mask ‘ipinarada’; pamamahiya sa violators pinalagan ng CHR

Screenshot mula sa Silay PNP video
  • Ipinarada umano ng mga awtoridad ang mga residenteng nahuling walang suot na face mask sa Silay City, Negros Occidental
  • Magsasagawa ng imbestigasyon ang CHR upang marinig ang panig ng pulisya hinggil sa insidente
  • Handa naman umanong humarap sa imbestigasyon ang mga sangkot na awtoridad

Hindi nagustuhan ng Commission on Human Rights (CHR) ang diumano’y ‘pamamahiyang’ ginawa ng mga awtoridad sa Silay City sa Negros Occidental sa mga residenteng nahuling walang suot na face mask.

Imahe mula sa Silay PNP

Sa isang video na ibinahagi ng Silay City Police Station, ang mga naaktuhan nilang lumabag sa ordinansa ng siyudad hinggil sa pagsusuot ng face mask ay tila ‘ipinarada’ sa kalsada habang nakataas sa kanilang harapan ang kanilang mga kamay.

Mula sa presinto ay pinaglakad umano ang mga violators patungo sa isang covered court upang isailalim sa isang seminar tungkol sa mga health protocols na ipinatutupad. Bukod sa seminar ay pinaharap pa sa isang kabaong ang mga residenteng nahuli.

Sinabi ng CHR na iimbestigahan nito ang insidente upang makuha ang panig ng pulisya ng Silay City.

Ayon kay Atty. Jacqueline Ann De Guia, tagapagsalita ng CHR office sa Region VI, nararapat lang na maghigpit sa pagpapatupad ng health protocols, subalit sa pagpapatupad nito ay dapat isinasaalang-alang din ang karapatang pantao ng mga violators.

Screenshot mula sa Silay PNP video

Aniya, hindi makatao ang pamamahiya sa mga residente at may katapat na kaparusahan ang ganito sa ilalim ng Republic Act No. 9745 (Anti-Torture Act) at ipinagbabawal ng Convention Against Torture na isa ang Pilipinas sa mga signatories.

“Parading alleged quarantine violators on the streets may amount to cruel, inhuman and degrading treatment or punishment penalized by Republic Act No. 9745 and barred by Convention Against Torture signed by the Philippines,” sabi ni Atty. De Guia.

Screenshot mula sa Silay PNP video

“Human rights must always rest at the core of law enforcement. We urge law enforcement officers to also coordinate with public health experts on how to better explain and ensure compliance to health safety protocols amidst the pandemic. At the same time, we look forward to the cooperation of the PNP in Silay City toward addressing this human rights concern,” dagdag pa niya.

Handa naman umanong humarap sa imbestigasyon ang Silay City Police, ayon sa hepe nitong si Major Rollie Pondevilla.

At nito ngang Martes, ayon sa isang panayam ng CNN PH,  ay nagpaliwanag si Maj. Pondevilla  na “Hindi naman talaga parusa iyon sa kanila –- preventive measure lang iyon na pinapa-hands forward natin para mame-maintain nila physical distancing papunta doon sa covered court.”

Ang intensyon lang umano ng opisyal ay para naman sa kapakanan nila at walang intensyon na ipahiya sila, pagdidiin nito.

Loading…