Mga residente sa Los Baños nabahala; steam na sumingaw sa imburnal galing daw sa bulkan?

Screesnshot mula sa video ni Kapitan Bobit Meneses
  • Paglabas ng steam sa mga imburnal sa Los Baños ikinabahala ng mga residente
  • Nangangamba sila na malagay sila sa peligro sakaling pumutok ang Mt. Makiling
  • Sinabi ng Phivolcs na galing sa hot springs ang steam na nakita sa mga imburnal sa Lakewood Subdivision
  • Ayon sa Phivolcs hindi dapat mag-panic ang mga tao dahil normal iyon sa mga bulkan tulad ng Mt. Makiling na kahit inactive ay mainit pa rin ang mga bato sa ilalim na nagpapainit sa mga tubig

Nabahala ang mga residente sa isang subdivision sa Los Baños matapos ipakita sa video ng isang barangay chairman ang steam na malakas na sumisingaw sa mga imburnal sa Lakewood Subdivision sa Barangay Tadlac.

Screesnshot mula sa video ni Kapitan Bobit Meneses

“Ito po ‘yung mga nireport na lumabas na nagbibigay ng steam. Kung lalapit po kayo, madirinig ninyo na kumukulo ang tubig. Pati rin po sa bandang doon. Ayan po maliwanag na napakalakas ng usok. Ngayon lang po nangyari ito,” sabi ni Kapitan Bobit Meneses sa video.

Aniya, hindi magandang senyales ang sumingaw na steam sa mga imburnal kaya’t nais niyang ipaabot sa mga kinauukulan upang malaman kung hindi sila nalalagay sa panganib.

“Tayo po ba ay nalalagay sa alanganin, sa peligro? Ang ating mga anak, ating mga susunod na henerasyon ay wala po bang magiging problema? ‘Yun po ang layunin ng aking video,” wika ng barangay chairman.

Nag-aalala ang mga residente dahil malapit ito sa Mt. Makiling na isang dormant volcano (ang mga inactive o dormant volcanoes ay mga bulkan na ilang libong taon nang hindi pumuputok, subalit may posibilidad na muling sumabog).

Imahe mula sa Philippine Volcanoes

“Ang kinakatakot po kasi ng mga residente dito baka nga magkaroon ng biglang pagputok,” sambit ng isang residente.

Pinawi naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs) ang pangamba ng mga residente. Ang steam ay galing daw sa hot springs tulad ng mga hot springs na dinarayo ng mga turista sa Los Baños.

Imahe mula sa Phivolcs

“Kunwari mayroong dating thermal spots diyan o springs na natabunan, posible namang dumaan ito sa iba pang lugar,” paliwanag ni Phivolcs director Renato Solidum.

“Huwag po kayong mag-panic dahil ito po ay normal na mga pangyayari dahil nga ang Bulkang Makiling, kahit hindi po siya aktibo ay mainit ang bato,” aniya.

Loading…