Mga sibuyas sa 1,500 ektaryang taniman sinira ng mga pesteng harabas

Screenshot mula sa GMA video
  • Sinira ng mga pesteng harabas ang 1,500 ektaryang pananim na sibuyas sa Bayambang, Pangasinan
  • Nagdeklara na ng state of calamity ang Bayambang upang mabigyan ng ayuda ang 1,400 na apektadong magsasaka
  • Ayon sa alkalde ng Bayambang, nagtungo na sa lugar ang mga kinatawan ng Department of Agriculture upang mag-inspeksyon at mamahagi ng pestisidyo

Nanlumo ang mga magsasaka ng sibuyas sa Bayambang, Pangasinan sa pagkaluging inabot nila dahil sa pamemeste ng harabas o armyworm.

Imahe mula sa Balitang Bani

Nagsimula pa noong Disyembre 2020, ang pananalakay ng mga harabas ay nagpatuloy hanggang ngayong taon kaya’t umabot na sa 1,500 ektarya ng mga pananim na sibuyas ang nasira at hindi na mapakikinabangan pa.

Nagdeklara na ang lokal na pamahalaan ng Bayambang ng state of calamity upang magamit ang calamity fund nito para matulungan ang mga magsasaka sa 66 barangays na apektado ng pamemeste.

Noong nakaraang buwan, ibinahagi ng magsasakang si Dean Roque, 52 anyos ng Barangay San Gabriel, na sa kabila ng malakas na paggamit nila ng mga pestisidyo ay hindi pa rin nakontrol ang mga pesteng harabas.

Ang halos dalawang ektarya niyang taniman ng sibuyas sa Barangay Pogo ay nilimas daw ng mga army worms. Mayroon naman daw siyang naisalba, subalit kakaunti lang ang mga iyon.

Imahe mula sa Pangasinan onion farmers

Ayon kay Bayambang Mayor Cesar Quiambao, may nagtungo na roong mga kinatawan ng Department of Agriculture upang magsagawa ng inspeksyon at mamahagi ng libreng pesticides sa mga magsasaka.

Naglabas ng impormasyon ang Department of Agriculture (D.A.) sa Facebook page nito tungkol sa mga harabas upang makilala ito ng mga magsasaka at maagang mapuksa. Isa umano itong mapaminsalang peste na nagdudulot ng malawakang pinsala sa mga pananim tulad ng mais at iba pa.

Karaniwang makikita ang kumpol na mga itlog nito na bumibilang ng hanggang dalawandaan sa mga dahon. Dalawa hanggang tatlong araw bago sila kusang mapisa. Kapag nakakita ng itlog ay dapat agad na pisain o durugin upang hindi na sila dumami.

Imahe mula sa Department of Agriculture

Ang uod o larva ang pinakamapaminsalang yugto ng harabas. Sa gabi sila nanginginain.

Ang payo ng D.A., kapag may nakitang mga uod subalit hindi sigurado kung ano ang mga iyon, mainam daw na kunan sila ng litrato na naka-focus sa ulo at buntot nito. Kumuha ng samples nito at ilagay sa boteng may ethanol (95%) at ipadala sa Provincial Agricultural Office, Regional Crop Protection Center o kaya ay sa Bureau of Plant Industry upang makapagbigay ng naaayong rekomendasyon.

Loading…