MMDA chairman Abalos may “wild idea” para maresolba ang pagbaha sa Metro Manila

Imahe mula sa MMDA
  • Iminungkahi ni MMDA chairman Abalos na humukay ng tunnel para gamiting spillway upang masolusyunan ang palagiang pagbaha sa Metro Manila
  • Ang suhestyon niya ay gamitin ang tunnel boring machine na ginagamit sa paggawa ng Metro Manila subway
  • Ibinahagi rin ni Abalos na sa susunod na tatlong buwan ay masisimulan na ang konstruksyon ng elevated bus ramp para sa EDSA Busway

Isang “wild idea’ ang iminungkahi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos upang sa wakas ay masolusyunan na ang palagiang pagbabaha sa Metro Manila.

Imahe mula sa MMDA

Ipinahayag ni Chairman Abalos ang kanyang ideya sa pakikipagpulong niya sa House of Representatives Committee on Metro Manila Development noong Miyerkules, ika-17 ng Pebrero.

Ang suhestyon niya ay humukay ng tunnel na magsisilbing spillway mula sa Laguna de Bay papuntang Manila Bay. Maaari raw gamitin ang tunnel boring machine na gagamitin sa Metro Manila subway para sa ideya niyang flood spillway.

“If you are going to look at the flooding of Metro Manila, alam ninyo lahat ng tubig galing Sierra Madre at ang frontliner ay Marikina, siya ang sumasalo lahat,” wika ni Abalos.

“A portion of floodwaters will go to Laguna de Bay pero napupuno lang siya, wala siyang labasan. So, kung titignan mo, the quickest way is a spillway from Laguna de Bay to Manila Bay. Kaso mahal daw, andami nang tao sa Parañaque eh,” aniya.

“Unless, this is just a wild idea of mine, gamitin mo ang technology ng subway. Maghukay ka sa Sucat, ilalim ng lupa at ‘yung tunnel na ‘yun ang gawin mong spillway. Unless you do that, posible… that will really cure the flooding in Metro Manila,” paliwanag pa ng MMDA chairman.

Imahe mula sa DOTr

Sa isang hiwalay na panayam, ibinahagi ni Abalos ang mga proyekto niya na kailangang matapos agad dahil isang taon lang daw siya mananatili sa kanyang posisyon.

“I am running against time. I will just be here for one year,” aniya.

Sinabi niya na ang elevated bus ramp ng EDSA Busway ay sisimulan na sa susunod na tatlong buwan. Mayroon na itong inisyal na pondong P100 million mula sa donasyon ng Quezon City government. Nangako rin daw ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation na tutulong para makahanap ang MMDA ng karagdagang pondo para sa proyekto.

Ginagawa na umano ng DPWH ang disenyo ng elevated bus ramp.

Imahe mula kay Celine Pialago

“So, we have to make a design now. The design is now being made by the DPWH. After that, we will have this published. There will be a bidding for the procurement as provided for by the law and probably in three months, we will start,” aniya.

Sa sandaling matapos ang elevated bus ramps ay mabubuksan na ang mga isinarang U-turn slots sa kahabaan ng EDSA na nagsanhi ng grabeng trapiko sa ilang bahagi nito, partikular na sa Quezon City at Caloocan City.

Loading…