MMDA pinag-aaralan ang legalidad ng “Run, Sara, Run” tarpaulins na nagsulputan sa Metro Manila

Imahe mula sa News5 Digital
  • Run, Sara, Run tarpaulins nagsulputan sa iba’t ibang lugar sa Quezon City at Maynila
  • Pinag-aaralan ng MMDA kung may batas na nalabag ang pagpapaskil ng mga tarpaulins na humihikayat kay Sara Duterte-Carpio na kumandidato sa pagkapangulo sa 2022
  • Sinabi ng Comelec na walang nalabag sa Comelec rules ang mga nagkalat na Run, Sara, Run tarpaulins

Bumulaga sa maraming residente ng Metro Manila, partikular na sa Quezon City at sa Lungsod ng Maynila ang mga nagsulputang “Run, Sara, Run” tarpaulins na ang mensahe ay humihikayat sa presidential daughter na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumakbo sa pagkapangulo sa 2022 elections.

Imahe mula sa Radyo Pilipinas Uno

Sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos na pag-aaralan nila ang legalidad ng mga nakapaskil sa tarpaulins, na umani ng sari-saring komento mula sa publiko.

“I have not seen them, but I will have them checked. I’ll look into them first,” sabi ni Abalos tungkol sa mga tarpaulins.

Ayon kay MMDA Spokeperson Celine Pialago, inaalam nila kung nabigyan ng permit ang pagpapaskil ng mga tarpaulins at kung sino ang nagbigay ng permiso.

Unang namataan noong Miyerkules, ika-17 ng Pebrero,  ang mga Run, Sara, Run tarpaulins sa mga footbridges sa Quezon Avenue, East Avenue at Cubao sa Quezon City, at sa Tutuban Center sa Lungsod ng  Maynila.

Wala namang nakikitang mali si Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon sa mga nabanggit na tarpaulins. Gayun pa man, sinabi niya na muli niyang bibisitahin ang Comelec rules.

Imahe mula sa PNA

“Advertisements or posters of potential candidates are not violations because it is not election period. Will revisit the rules @COMELEC,” post ni commissioner Guanzon sa Twitter.

Nilinaw rin ng tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez na bagama’t isinusulong ng tarpaulin ang electoral win ng isang posibleng kandidato, hindi pa rin umano iyon sapat para sa legal na depinisyon ng pangangampanya.

Aniya, puwede naman gawin iyon ng kahit sino.

Imahe mula sa News5 Digital

“Those tarpaulins do seek to promote the electoral win of Mayor Duterte, but she herself isn’t a candidate yet. This means that although many would consider it a form of campaigning, it would actually fall short of the legal definition of campaigning, let along premature campaigning. Therefore, there appears to be no violation of election laws or campaign rules. Anyone, in fact, can do the same thing,” ani Jimenez.

Ayon naman kay Chief Presidential Legal Counsel na si Salvador Panelo, nakikita niya ang mga katangian kay Sara para humalili sa amang si Pres. Rodrigo Duterte.

Imahe mula sa PNA
Source :

Inquirer, PNA

Loading…