MVIS ng LTO ‘di na mandatory; implementasyon ng child car seat law ipagpapaliban na rin

Imahe mula sa Autodeal
  • Hindi na magiging mandatory ang MVIS ng LTO ayon sa pinakahuling utos ng Malakanyang
  • Ipinagpapaliban na rin ang implementasyon ng kontrobersiyal na child car seat law
  • Inilabas ng Palasyo ang kautusan sa gitna ng mga batikos ng publiko, partikular na ng mga motorista

Hindi na magiging mandatory ang bagong Motor Vehicle Inspection System (MVIS) ng Land Transportation Office (LTO) ayon sa pinakahuling kautusan mula sa Malakanyang nitong Huwebes.

Lumabas ang nasabing kautusan ng Palasyo matapos ang ginawang pagdinig sa Senado kung saan nabatikos ang LTO dahil sa kontrobersiyal na memorandum na naglalaman ng panuntunan sa pagpapatupad ng PMVICs.

Imahe mula sa PIA

“Hindi na po mandatory ang MVIS. Ibig sabihin, kinakailangan walang bagong singil, walang karagdagang singil para sa pagpaparehistro ng mga sasakyan,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ito ay bilang sagot umano sa daing ng mga motoristang namamahalan sa sinisingil na bayad ng mga MVI Centers (MVICs).

“Ito ang naging desisyon ng Presidente kung saan binalanse ng Pangulo ang pinagdadaanan ng ating mga kababayan sa gitna ng krisis na nararanasan hindi lang ng Pilipinas kundi ang buong mundo,” dagdag na pahayag ni Roque.

Child car seat law ipagpapaliban rin

Maliban dito, ipinatitigil na rin muna ng Palasyo ang implementasyon ng child car seat law na nagdulot ng kalituhan sa mga motorista.

“Nagdesisyon na po ang ating Presidente. Ipinagpaliban po o deferred ang implementasyon ng chid car seats,” bahagi pa ni Roque.

Imahe mula sa PNA

Kapwa naging kontrobersyal ang MVIS at child car seat law ng LTO dahil sa timing umano ng pagpapatupad nito lalo pa’t nasa gitna ng pandemya ang bansa.

Nagpatawag din ng hearing sa Senado si Senador Grace Poe kamakailan kung saan inirerekomenda ng mga mambabatas na suspendihin muna ang pagpapatupad ng mga ito hangga’t walang malinaw na guidelines.

Read: Duterte agrees on suspension of child car seat law implementation: “Not this time”

Loading…