“My Rat-Dog’s Story”: Fur parent ibinahagi ang total transformation ng alagang aso

  • Kinalugdan ng mga netizens ang “rat-dog’s story” ng isang fur parent
  • Ibinahagi niya sa mga larawan ang total transformation ng kaniyang alagang si Kendrick
  • Ibang-iba na ang hitsura nito ngayon!

Sinasabing kitang-kita sa balat, mga balahibo, at hitsura ng isang alagang pet dog kapag ito ay binusog sa wastong aruga at pagmamahal ng kaniyang fur parent.

Kagaya na lamang ng ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “JC Cea” kung saan ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post ang total transformation ng kaniyang naispatang tuta sa daan, na noong una ay inakala niyang daga lamang, dahil halos wala na itong balahibo.

Imahe mula sa Facebook account ni JC Cea

Umuulan daw noon at may kaunting pagbaha, subalit nakapukaw sa kaniyang atensyon ang isang gumagalaw-galaw na hayop sa kanal. Napagkamalan niya itong kuting; nang nilapitan naman niya, inakala niyang malaking daga. Subalit ito pala ay isang tuta.

Dahil likas sa kaniya ang pagiging mapagmahal sa aso, hindi siya nagdalawang-isip na kunin ang tuta at iuwi sa kanila. Alam niya kasing maaalagaan niya ito, kahit na may mga fur babies na siya. Aminado siyang noong una ay nakaramdam pa siya ng pandidiri dahil nga sa tila wala na itong balahibo, kaya naghanap pa siya ng plastic sa paligid, para lamang madampot ito.

“Kaso may dalawang aso na rin kasi ako noon kaya naging mapagmahal na rin ako sa aso kaya talagang kinuha ko siya at sabi ko sa sarili ko madali lang naman pagalingin ‘to kasi maliit pa,” aniya.

Imahe mula sa Facebook account ni JC Cea

At nagsimula na nga siyang alagaan ang tuta. Sa tuwing pinaliliguan daw niya ito, nilalagyan niya ito ng organic plant na madre de cacao upang makatulong sa mabilis na pagkaka-recover nito. Nakatulong naman ito dahil talaga namang lumago ang itim nitong mga balahibo. Dumaan din ang tuta sa deworming o pagpupurga, hanggang sa umayos na ang kaha ng katawan nito.

“Kitang-kita naman sa katawan niya yung mga galis na halos nagnanana na, pati kuto at garapata, inalisan na rin siya at wala na siyang ibang ginawa kundi kumamot nang kumamot,” salaysay ni JC.

Makalipas ang ilang taon, malaki na ngayon ang tuta na isa nang ganap na aso. Siya ay si Kendrick, na malayong-malayo na ang hitsura mula sa kalunos-lunos na anyo nito noon!

Imahe mula sa Facebook account ni JC Cea

Pagbati kay JC at sa kaniyang fur baby na si Kendrick! Talaga namang hindi matatawaran ang wagas at tunay na pag-aaruga at pagmamahal!

Loading…