NASA magpapalipad ng helicopter sa planetang Mars

Imahemula sa NASA
  • Magpapalipad ng helicopter ang NASA sa Mars simula sa susunod na buwan
  • Ang Ingenuity helicopter ay nakasakay sa Perseverance Rover na lalapag sa Jezero Crater ngayong February 18, 2021
  • Hanggang limang flights ang planong isagawa ng Ingenuity helicopter sa loob ng isang buwan
  • Lilipad ito sa taas na 10 hanggang 15 feet (3-5 meters) at sa layong hanggang 160 feet (50 meters) mula sa starting area at pabalik

Mahigit 117 taon na ang nakararaan nang unang makapagpalipad ng powered aircraft ang magkapatid na Wilbur at Orville Wright. Balak namang patunayan ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) na maaari nitong magawa ang pagpapalipad ng aircraft sa ibang planeta.

Imahe mula sa Mars

Isang helicopter ang paliliparin ng NASA sa planet Mars.

Nakasakay ang Ingenuity helicopter sa Perseverance Rover na nakatakdang lumapag sa Jezero Crater ngayong Huwebes, ika-18 ng Pebrero, para maghanap ng past life sa naturang planeta.

Helicopter man ang tawag sa Ingenuity, mas malapit ang itsura nito sa mga mini-drones na nakasanayan nang makita dito sa Earth ngayon. Tumitimbang lang ito ng 4 pounds o 1.8 kilograms. May malalaking blades ito na umiikot ng 2,400 revolutions per minute.

May naka-install din na dalawang camera, mga computers at navigational sensors sa Ingenuity helicopter. Mayroon din itong solar cells para ma-recharge ang mga baterya nito. Ang enerhiya mula sa baterya ay gagamitin ng helicopter para manatili itong mainit sa gitna ng napakalamig na temperatura sa Mars tuwing gabi na umaabot sa minus 90 degrees Celsius.

Imahe mula sa NASA

Hanggang limang flights ang planong isagawa ng Ingenuity helicopter sa loob ng isang buwan. Lilipad ito sa taas na 10 hanggang 15 feet (3-5 meters) at sa layong hanggang 160 feet (50 meters) mula sa starting area at pabablik.

Ang bawat flight nito ay tatagal ng isa at kalahating minuto, mas matagal kaysa sa eroplanong pinalipad ng Wright brothers na tumagal lang ng 12 seconds.

Dahil napakalayo ng Mars sa Earth, ang helicopter ay kusang lilipad nang walang scientist na kumokontrol dito.

Imahe mula sa NASA

Kapag nagtagumpay ang misyon ng Ingenuity helicopter ay magbubukas ito ng panibagong paraan ng pag-explore ng planet Mars. Makikita nito ang hindi kayang makita ng mga slow-moving rovers sa lupa.

Makatutulong din ang future models ng helicopter sa pagbuhat ng mga kargamento mula sa isang lugar patungo sa iba, gaya ng rock at soil samples na kokolektahin ng Perseverance Rover sa susunod na bahagi ng Mars 2020 mission.

Source :

NASA, YouTube

Loading…