“New Normal” jeepney sa Pampanga inulan ng mga reaksyon at paghanga

  • Napahanga ang mga netizens sa isang customized jeepney sa Angeles, Pampanga
  • Tinawag itong “New Normal” jeepney
  • Mistula na itong mini bus dahil sa ayos ng mga upuan nito na malayo sa tipikal na jeepney

Simula nang pumutok ang pandemya sa Pilipinas at mangyari ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine o ECQ, isa sa mga industriyang naapektuhan ay ang sektor ng transportasyon, lalo na ang mga jeepney drivers, dahil pansamantalang ipinagbawal ang mga pagbiyahe at paglabas ng mga tao upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Nang muli namang nakabalik sa sirkulasyon ang mga jeepney, kinakailangan nilang maglagay ng mga plastic dividers upang hindi magkadikit-dikit ang mga pasahero. Kaya naman sa Angeles, Pampanga, pinag-usapan ang isang customized jeepney na tinawag na “New Normal jeepney” ng mga netizens, na ibinahagi sa Facebook post ng isa sa mga naging pasahero nito na si Paul Bautista.

Imahe mula sa Facebook account ni Paul Bautista

“This driver deserves a commendation! First time to see and ride a customized jeepney intended for this pandemic.
Very good design. Very comfortable seats. Spaces are well-planned,” papuri ni Bautista.

Kung makikita nga ang kuhang larawan ng loob nito, makikitang nabago na nga ang mga upuan nito, na malayo sa tradisyunal na isang hilera at magkakaharap ang mga pasahero. Nagmistula itong “mini bus.” At syempre, hindi pa rin mawawala ang mga plastic dividers.

“Congratulations kuya driver! Mas inuna ang kapakanan ng marami kaysa sa sariling kikitain,” dagdag pa niya.

Salaysay pa ni Bautista, ito raw ang unang beses na makakita siya ng ganitong uri ng jeepney kaya labis siyang natuwa dahil naging malikhain daw ang driver nito, at inisip pa ang kapakanan ng mga pasahero.

Hindi lamang si Bautista ang natuwa kundi maging ang mga netizens.

“Sana all! Sana lahat ng drivers ng PUV ganito, yung may malasakit sa kapwa, hindi yung basta na lang naglagay ng plastic cover sa pagitan tapos hanggang dibdib lang, kapag hinangin tama sa mukha mo,” pakiusap ng isa.

Turan naman ng isa, “Dito sa Maynila hindi na nangyayari ‘yan. Dikit-dikit na ang mga pasahero.”

Imahe mula sa Facebook account ni Paul Bautista

“Sana din mga jeep i-improvise din nila yung paraan ng pag-aabot ng bayad o pagsusukli, baka puwedeng may basket para maiwasan yung mahawakan yung pera o barya ng mga nagpapaabot,” mungkahi naman ng isa.

Sa kaniyang update, sinabi ni Bautista na nakuha niya ang pagkakakilanlan ng naturang driver. Siya pala si Alex Dayrit na nagmamaneho ng jeepney na may biyaheng San Fernando—Angeles, Pampanga.

Kudos sa iyo, Alex Dayrit!

Loading…