Pacquiao nagbalik sa bayang sinilangan, inalala ang nakaraang naranasan

Imahe mula sa Facebook account ni Manny Pacquiao
  • Manny Pacquiao dumalaw sa bayang sinilangan sa Bukidnon
  • Nagbalik siya sa bayan ng Kibawe sa paanyaya ni Mayor Reynaldo Ang Rabanes
  • Nagbalik sa alaala ni Sen. Pacquiao ang hirap ng buhay na naranasan noon ng pamilya sa Kibawe

Muling nagbalik sa alaala ni Senator Manny Pacquiao ang hirap ng buhay na dinanas noon ng kanilang pamilya sa bayan ng Kibawe sa Bukidnon.

Imahe mula sa Facebook account ni Manny Pacquiao

Nagbalik si Sen. Pacquiao sa Kibawe sa paanyaya ni Mayor Reynaldo “Jimboy Tebontu” S. Ang Rabanes.

“Homecoming. It always feels good to look back at where you came from and bring a little smile to people who were part of your past. It reminds us that no matter how hard life is, one should never stop dreaming. Thank you Kibawe for the warmth and the love,” post ng senador sa social media.

Sinabi ng alkalde na inimbitahan nila ang senador upang siya ay bigyang-parangal hindi lang dahil sa mga ekstraordinaryong nakamit niya sa larangan ng pagboboksing kundi maging ang kanyang walang kapantay na dedikasyon sa pagsisilbi sa taumbayan.

Sa isang simbolikong seremonya, iniabot ni Mayor Rabanes ang isang kopya ng birth certificate ng senador upang ipakitang ito ay tunay na anak ng Kibawe.

Limang taong gulang na noon si Pacquiao nang lisanin ng pamilya nila ang Kibawe dahil sa madalas na engkwentro sa kanilang lugar.

Imahe mula sa Facebook account ni Manny Pacquiao

Dahil sa ganoong sitwasyon ng lugar ay nahirapan ang pamilya na kumita at nairaraos na lang ang araw-araw sa pagkain ng kamote. Iyon ang nagbunsod sa kanila na lumipat sa General Santos City (GenSan), kung saan nagpatuloy pa rin ang hirap na dinanas.

“Hinding-hindi ko makakalimutan itong lugar dahil dito ako namulat kung paano ang maging mahirap. Ang Kibawe na kinamulatan ko ay  napakahirap ang pamumuhay at pugad ito ng mga rebelde noon kaya  kailangan naming umalis at makipagsapalaran sa GenSan,” sabi ni Pacquiao.

Imahe mula sa Facebook account ni Manny Pacquiao

“Kahit madilim ang hinarap ng aming pamilya hindi ako nawalan ng pag- asa. Tulad ng marami sa ating mga kababayan dito sa Kibawe ay araw -araw tayong lumalaban sa kahirapan at kalayaang makapamuhay kahit simple basta malayo sa takot at ligtas ang ating pamilya,” sabi pa ng senador na kasalukuyang naghahanda para sa isang boxing match ngayong taon.

Pagkatapos ng maikling seremonya ay namigay siya ng grocery packs at cash sa mga residente.

Imahe mula sa Facebook account ni Manny Pacquiao

Sa kanyang talumpati, hinimok niya ang mga mayayamang politiko na ibahagi ang kanilang pera sa mga mahihirap. Aniya, kung magtutulung-tulong ang mga mayayamang opisyal ay mababawasan ang mga mahihirap na kababayan.

Kung bibigyan daw siya ng pagkakataon, nais niyang magpagawa ng “mega prison” facility na laan para sa mga korap na opisyal ng gobyerno.

Source :

Facebook, Twitter

Loading…