Pagdating ng Pfizer vaccine sa bansa made-delay dahil sa problema sa dokumento

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Maaantala ang pagdating ng Pfizer-BioNTech vaccine sa bansa ayon sa isang opisyal
  • Ito ay dahil nagkaproblema umano sa mga dokumento ng COVAX at WHO
  • Tiyak namang made-deliver ito bago matapos ang Pebrero

Maantala umano ang pagdating ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine sa bansa dahil sa kaunting problema sa pagpoproseso ng mga dokumento; ito ang ibinahagi Deputy Chief Implementer Vince Dizon ng National Task Force Against COVID-19.

Magugunitang nasa 117,000 doses ng Pfizer vaccine ang inaasahang darating ngayong buwan at ito ang pinakaunang batch ng bakuna na gagamitin para sa mga nasa priority list ng gobyerno.

Vince Dizon| Imahe mula sa PNA

“‘Yung ating first 117,000 na Pfizer vaccines, nagkaroon ng kaunting delay dahil sa processing ng mga dokumento with the Covax facility and the World Health Organization,” ani Dizon sa ginanap na press briefing nitong Huwebes.

Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na posibleng dumating sa Pilipinas nitong kalagitnaan ng Pebrero ang bakuna ng Pfizer-BioNTech na nakuha sa pamamagitan ng COVAX at WHO.

Handa na rin umano ang pamahalaan na simulan ang vaccination program nitong Pebrero 15 kung saan uunahin ang mga health workers at medical frontliners.

Samantala, sa kabila ng pagkaantala, tiniyak naman ni Dizon na darating pa rin sa bansa ang naturang bakuna bago matapos ang kasalukuyang buwan.

Imahe mula sa CNBC

“Pero kampante tayo na darating ito sa mga susunod na linggo, within the month of February,” ayon sa opisyal.

Maliban sa mga health workers, kabilang din sa Group A o priority list ng gobyerno ay mga indigent senior citizens; indigent population; at mga uniformed personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection at Cafgu.

Kabilang naman sa Group B ay mga teachers; social workers; government workers; essential workers na hindi kabilang sa health, education, social welfare sectors tulad ng agriculture, food industry, transportation, tourism, manufacturing at construction, at iba pa; special groups tulad ng persons deprived of liberty (PDL), persons with disability (PWD); overseas Filipino workers (OFW) at iba pang katulad na workforce.

Loading…